SINABI ni Senador Win Gatchalian na dapat higpitan ang mga regulasyong sumasaklaw sa maritime transport ng mga produktong petrolyo upang maiwasan ang pagtagas ng langis dahil sa lawak ng pinsala sa kapaligiran na sanhi ng mga naturang insidente.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng paglubog ng MT Terra Nova, isang oil tanker na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel, sa baybayin ng Bataan noong Hulyo 25 sa gitna ng malakas na pag-ulan dala ng seasonal monsoon at bagyong Carina. Patungo sa Iloilo ang tanker, kasama ang 17 tripulante, nang lumubog ito.
“Kailangan nating gamitin ang lahat ng ating manpower at pakilusin ang lahat ng magagamit na resources, at makipagtulungan sa lahat ng lokal na pamahalaan,” diin ni Gatchalian. Idinagdag niya na ang pagtugon sa mga sakunang tulad nito ay nangangailangan ng isang whole-of-government approach, kabilang na ang suporta ng Philippine Navy at Department of Environment and Natural Resources.
Kailangang tiyakin ng gobyerno na ang kondisyon ng mga barko o mga sasakyang pandagat at onboard practices ay nakakatugon sa international safety standards, ayon kay Gatchalian.
Ang Marine Environmental Protection Command (Mepcom), isang unit ng Philippine Coast Guard (PCG), ang kadalasang tumutugon sa mga operasyon kontra oil spill at binubuo ng National Operations Center for Oil Pollution (Nocop).
Sinabi ng Philippine Coast Guard noong Biyernes na nagsimula na silang mangolekta ng langis upang labanan ang pagkalat nito sa karagatan. Nitong Lunes lang, sinabi ng isang grupo ng mga mangingisda na ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker ay umabot na sa baybayin ng Tanza, Naic, Maragondon at Ternate sa Cavite.
“Magandang malaman na ang Philippine Coastguard ay mabilis namang nagpatupad ng mga precautionary measure tulad ng pag-deploy ng mga oil spill boom sa lugar,” ani Gatchalian.
Noong nakaraang taon lang, lumubog ang MT Princess Empress sa baybayin ng Naujan, Oriental Mindoro, na nagdulot ng oil spill sa karagatan ng Antique, Batangas, Oriental Mindoro, at maging sa Palawan.
“Hindi na dapat paulit-ulit ang oil spill na nangyayari sa bansa dahil matinding pinsala ang dulot nito hindi lang sa kalikasan kundi sa kabuhayan ng marami sa ating kababayan,” pagtatapos niya.