ANG Department of Interior and Local Government (DILG) ay may pitak sa kanilang Facebook page na ang tawag ay Alam N’yo Ba? Nagpapaliwanag ito ng mga impormasyon na makatutulong sa mga mamamayan kapag nahaharap sa iba’t ibang klase ng mga suliranin at nagbibigay kaalaman kung ano ang kanilang mga karapatan. Narito ang paliwanag kung ano ang Barangay Protection Order.
Ang Barangay Protection Order (BPO) ay isang utos na naglalayong supilin ang anumang karahasan laban sa kababaihan o sa kanyang mga anak. Ang BPO ay isa lamang sa tatlong Protection Orders na nakapaloob sa Batas Pambansa Bilang 9262. Ang dalawa pa sa uri ng Protection Orders ay ang Temporary Protection Order at ang Permanent Protection Order na parehong iniisyu ng korte.
Samantala, ang BPO naman ay iniisyu ng isang Punong Barangay o isang Kagawad laban sa mapang-abusong asawa, karelasyon o kapamilya. Naglalayun itong mag utos na tumigil sa paggawa ng acts of violence o anumang pisikal na pananakit o pagbabanta sa babae o sa kanyang anak. Ito ay may bisa ng 15 araw at maaaring i-renew o ulitin ng ilan pang beses sa barangay.
Sino nga ba ang maaaring humiling ng protection order?
– ang panig na naagrabyado (offended party)
– magulang o guardian ng biktima
– mga ascendants, descendants o collateral relatives sa loob ng ikaapat na sibil na digri consanguinity o affinity
– mga pinuno o social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o ng mga Local Government Unit (LGU)
-mga pulis, lalo na ang mga namamahala sa women and children’s desk
– Punong Barangay o Barangay Kagawad
– mga abogado, tagapayo o counselor, therapist, mga healthcare providers ng petisyoner
– Hindi bababa sa dalawang nagmamalasakit na mamamayan (concerned citizen) ng lungsod o bayan kung saan naganap ang VAWC at may personal na kaalaman sa nangyari.