27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Mga dahilan kung bakit hindi dapat suspendihin ang Public Transport Modernization Program

- Advertisement -
- Advertisement -

TINUTULAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panawagan ng mga senador na suspendihin ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na tinatawag ngayong Public Transport Modernization Program (PTMP).

Paliwanag ng Pangulo, “I disagree with them because sinasabi nila minadali. This has been postponed seven times, the modernization has been postponed for seven times and those that have been objecting or have been crying out and asking for suspension are in the minority.”

Dagdag pa niya, “ “Eighty percent have already consolidated so papano naman if yung 20 percent ang magdedecide ‘yung buhay ng 100 percent so pakinggan natin ang majority at ang majority sinasabi ituloy natin.”

Magkasama ang mga moderno at tradsyonal na dyip sa Pasay City. LARAWAN NI J. GERARD SEGUIA

Samantala, ipinaliwanag ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na kailangan nang palitan ang mga kakarag-karag na dyip at iba pang pampublikong sasakyan sa mga lansangan ng Pilipinas para sa kaligtasan ng mga pasahero at para sa kalikasan.

Nanindigan siya na hindi na dapat suspendihin ang Public Transport Modernization Program dahil

sa loob ng pitong taon simula nang ipatupad ang PTMP, gumastos na ang pamahalaan ng mahigit P7.8 bilyon.

Ngunit higit sa gastos, ayon kay Bautista, ayaw masira ng pamahalaan ang benepisyong naidudulot nito sa mga pasahero at at sa publiko sa pangkalahatan, at ang magandang usapan ng pamahalaan at mga tsuper at operator na nagtiwala sa naturang programa na may layuning lumutas sa mga problemang pangtransportasyon ng bansa.

PUVMP paano  nagsimula

Taong 2017, nang ilunsad ng pamahalaan ang PUVMP upang gawin makabago ang pampublikong transportasyon sa Pilipinas, kabilang na dito ang mga dyip, ayon sa Policy Brief ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD).

Solusyon ng pamahalaan sa malubhang lagay ng trapiko, polusyon at iba pa ang PUVMP. Pangunahing target dito ang mga dyip na edad mahigit 15 taon na karamihan kung kaya nakwestyon ang kaligtasan ng publiko kung patuloy na hahayaan ang mga itong tumakbo. Dahil sa pananaig ng mga hindi magagandang dulot at karanasan sa mga pampublikong transportasyon sa bansa, marami ang gumagamit  ng sariling sasakyan sa halip na gumamit na lamang ng pampublikong transportasyon na naging dahilan naman nang lalo pang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga lansangan, ayon pa sa CPBRD.

Base sa modernization program na ito ng DoTr,  hindi na papayagang mamasada ang mga pampublikong sasakyan na mahigit 15 taon na at kailangang Euro-4 engine na ang ipapalit sa mga ito.

Subalit, hindi lamang ito isang modernization program kundi babaguhin nito ang buong public land transportation industry.

Bukod sa pag-phaseout ng mga lumang pampublikong mga sasakyan, layunin din ng programang ito na repormahin at at pag-isahin ang industriya, gawing low emission ang mga PUV, gumawa ng mga bagong ruta, bigyan  ng pagsasanay ang mga tsuper at pabutihin ang kapakanan ng mga mananakay at paasensuhin ang mga tsuper, operator at ang kanilang mga pamilya.

Sinimulan itong ipatupad noong 2018 sa Tacloban City at sa iba pang pilot areas. Pagdating ng Enero 2022, may kabuuang 27,606 units sa 1,022 ruta sa buong bansa na ang nasa programa, karamihan sa  mga ito ay nasa Metro Manila.

Kung may sumusuporta sa programang ito, marami pa ring mga tsuper at operator ang tutol dito.

Halaga ng modernisasyon

Nagkakahalaga ang dyip na may “Class 2” specifications ng P1.6 milyon hanggang P3 milyon kada isang pinapatakbo ng kuryente. Kinakailangan ding may sariling garahe o terminal ang mga operator na magsisilbing base ng kanilang operasyon.

Sa ulat ng Philippine Information Agency (PIA), idinagdag nito na bukod sa sasakyan, kakailangan din ng kapital para sa kooperatiba at organizational paperwork. Upang makautang sa bangko, kailangan may maipakita ang mga kooperatiba ng solidong financial at business plan.

Dito hindi pamilyar ang mga tsuper at operator ng mga lumang dyip na humaharap sa problemang pinansyal dahil kung wala ang mga ito, hindi sila maaaring makabili.

Solusyon sa problema

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi ni Bautista sa kaniyang liham kay Senate President Francis Escudero na bagama’t tunay na may mga pagsubok sa pagpapatupad ng modernisasyon, sinosolusyunan naman ang mga ito.

Inilahad naman ng PIA ang mga tulong na maaaring gawin o kunin ng mga tsuper, operator at kooperatiba upang mapagaan ang transisyon tungo sa modernisasyon.

Unang una, nagbibigay ang DoTr ng P160,000 subsidy kada jeepney upang tulungan ang mga coop na makapag-downpayment sa inuutang nitong sasakyan.

Mayroon ding low interest loans na inaalok ang PUVMP — ang  “5-6-7-8” program-5 percent down payment, 6 percent interest rate, 7 years to pay at P80,000 subsidy kada unit.

Naglalaan ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng livelihood grants at pagsasanay sa mga apektadong tsuper.

Maaaring maglaan ng tulong ang mga local government units para sa land o transportation program nito. Kailangan lamang alamin ang mga posibleng partnership.

Libre ang skills training para sa mga apektadong tsuper sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).

Tinutulungan ng  Department of Trade and Industry (DTI) ang mga kooperatiba sa pagkuha ng business registration, licensing and incorporation.

May tax perk para sa mga kooperatiba gaya ng income tax exemptions at discounted national taxes.

Dagdag pa rito, sinabi rin ni Bautista na hindi inoobliga ang mga operator na bumili ng makabagong dyip kaagad. Sa halip, maaari itong gawin makalipas ang  tatlo hanggang apat na taon matapos ang konsolidasyon.

Hindi rin, aniya, limitado sa mga dayuhang manufacturer ang pagkukunan ng mga modernong dyip at higit sa lahat, nangako ang DoTr na pananatilihin nito ang iconic design ng tradisyonal na dyip.

Dagdag-kita mula sa pribadong sektor

Bukod pa sa mga tulong ng gobyerno, maaari ring makipag-ugnayan ang mga kooperatiba sa pribadong sektor upang magkaroon ng dagdag-kita.

Ayon sa ulat ng PIA, maaaring makipag-partner ang mga kooperatiba sa mga negosyong nadaraanan na nakikinabang sa jeepney foot traffic.

Maaaring namang makakuha ng lugar para gawing terminal sa malalaking mall at land developers gaya ng SM, Ayala at Megaworld na puntahan ng mga pasahero

Pwede ring magpakabit ng logo at ads ang mga bangko at lending companies sa mga dyip, gayundin ang mga telco at tech companies na pwedeng magpromote ng kanilang mobile data, WiFi hotspots at cashless payments sa modern jeepney.

Bukod sa pampasaherohan, pwede ring maging mobile billboards ng mga car dealer, gas companies at part makers ang mga dyip, gayundin ang mga consumer brands na pwedeng magdikit ng kanilang ads at promotions.

Tuloy-tuloy ang programa

Ayon kay LTFRB chief Teofilo Guadiz III , layunin ng board na makapagbigay ng ligtas at episyenteng serbisyo sa publiko at mas maayos na sektor ng transportasyon.

Sinabi ni Guadiz sa isang programang isinagawa ng mga tsuper at operator kontra sa resolusyon ng Senado na suspendihin ang modernization program, suportado ito ni Pangulong Bongbong Marcos at hindi ito ipatitigil.

“Tuloy-tuloy ang programa. Sinusuportahan ng Pangulo ang programa. At tuloy-tuloy ito hanggang sa matapos po ‘yung final stages ng modernisasyon,” ayon kay Guadiz.

“Makakaasa po ang buong bayan, sa suporta ng Department of Transportation, ang Pangulo ay nasa kanila. Walang mangyayaring suspensyon. Tuloy-tuloy po ang programa,” dagdag pa niya.

Grupo ng mga tsuper, operator natuwa sa resolusyon ng Senado

Ayon sa mga senador, nagpahayag ng pangamba ang mga tsuper at operator na tutol sa programa ng pamahalan na baka mawalan sila ng hanapbuhay.

Pinasalamatan ng grupong Manibela, sa isang pahayag,  ang 22 senador lalo na sina Senador Francis Escudero at Raffy Tulfo dahil sa resolusyong isuspinde ang PTMP.

Ayon naman sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), isang tagumpay ng mga tsuper at operator ang naging desisyon ng Senado.

Inakda ang naturang resolusyon nina Tulfo, Escudero, Majority Leader Francis Tolentino, Minority Leader Aquilino Pimentel III at Pro Tempore Jinggoy Estrada.

Suportado din ito nina Senador Nancy Binay, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ronald de la Rosa, Loren Legarda, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Grace Poe, Bong Revilla, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Mark Villar at Juan Miguel Zubiri. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -