IPINAHAYAG ni Senador Win Gatchalian ang kanyang pagtutol sa anumang planong pagtaas ng toll rate sa mga pangunahing toll road sa bansa at hinimok ang Toll Regulatory Board (TRB) na isaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili.
Ayon kay Gatchalian, dapat munang tiyakin ng TRB na maayos at kaaya-aya ang karanasan ng publiko sa paggamit ng toll road bago aprubahan ang anumang aplikasyon ng mga toll operator para sa pagtaas ng rate.
Binatikos niya ang TRB sa pagpayag nitong pagtaas ng toll rate sa kabila ng hindi pagtupad ng mga operator sa minimum performance standards and specifications (MPSS) na pinagtibay ng board. Ipinunto niya na, sa 17 key performance indicators (KPIs) na kasama sa MPSS, dalawang indicator lang ang kasalukuyang ginagamit.
“Gumawa kayo ng performance standards pero hindi ninyo sinusukat ito at pinapayagan pa ring magtaas ng toll rate. Kailangang maayos na ang key performance index,” ani Gatchalian.
“Hindi lang one way street yan. Naglalagay nga ng pera ang investors, pero tinitignan ba natin ang serbisyo na ibinabalik nila?” tanong ni Gatchalian kay TRB Executive Director Alvin Carullo sa nakaraang pagdinig ng Senado. Sinabi ni Carullo na posibleng mangyari ang pagtaas ng toll rate ngayong buwan.
Ang mga maling sistema ng radio frequency identification (RFID) sa kahabaan ng mga pangunahing toll road ay nagpapalala sa trapiko papalapit sa mga pangunahing toll booth. Sa nakaraang pagdinig, nagpakita ang senador ng mga video ng mga dumadaan ng toll na may depektibong RFID. Ganito ang karaniwang karanasan ng mga residente ng Valenzuela na araw-araw na tinatahak ang North Luzon Expressway, aniya.
“Ang trabaho ng TRB ay simple lang, protektahan ang mga consumers at ibigay ang magandang travel experience. Pero kahit palpak na ang RFID at natatrafik sa mismong toll, pinapayagan pa rin ng TRB na magtaas ng toll,” diin ni Gatchalian.
Aniya, hinikayat nga ng gobyerno ang pamumuhunan ng pribadong sektor sa mga toll road sa bansa pero dapat ayusin din ang serbisyo. “Sinusuportahan ko na dapat silang mabayaran para sa kanilang mga pamumuhunan at dapat na igalang ang mga kontrata upang hikayatin silang mamuhunan pa. Sa kabilang banda, kailangan din nating maging istrikto sa mga serbisyo na dapat na ibinibigay nila sa publiko,” pagtatapos niya.