UPANG maisagawa ang mga proyekto sa ilalim ng People’s Survival Fund (PSF) na layong pagbutihin ang resilience at sustainability ng mga komunidad, inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina Pangandaman ang pagpapalabas ng Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P579.312 million sa Department of Finance Bureau of the Treasury (DoF-BTR).
“Mitigating climate change is not just a policy directive but a personal advocacy for me. How can we safeguard our future if we neglect our environment?,” pahayag ng Budget Secretary.
“We are giving all the necessary aid for our LGUs to undertake projects crucial for enhancing resilience and sustainable development. Through the People’s Survival Fund, we empower local communities in the fight against the climate crisis,” dagdag pa niya.
Itinatag sa bisa ng Republic Act No. 10174, nagbibigay ang PSF ng long-term financing sa local government units (LGUs) at mga accredited na local o community organization para sa climate change adaptation programs. Mahalagang instrumento ang pondo para sa pagpapabuti ng kakayahan ng bansa na mag-adapt, magpanatili sa sustainable development, at maprotektahan ang mga vulnerable community mula sa masamang epekto ng climate change.
Popondohan ng alokasyon ang anim na development grants, limang full-scale projects, at extrang suporta para sa dalawang ongoing projects na nasa iba’t ibang lugar sa bansa, gaya ng Northern at Eastern Samar, Mountain Province, Bukidnon, Isabela, Quezon, Province of Sarangani, at Agusan del Norte.
Isa sa mga focus areas ay ang flood control. Sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga levee, floodgates, at drainage systems, nakatutulong ang PSF na pigilan ang pagbaha, na nagpoprotekta sa parehong buhay at mga ari-arian sa mga vulnerable area. Sa mga coastal region, ang pamumuhunan sa pagtatayo ng mga seawall at iba pang coastal defense structures ay isinasagawa na mahalaga upang mapangalagaan ang mga komunidad mula sa mga storm surge at pagguho ng lupa sa mga baybayin.
Nakinabang din ang agricultural sector mula sa suporta ng PSF, lalo na sa pagpapaunlad ng mga climate-resilient crop varieties at sustainable na pagsasanay sa pagsasaka para sa food security sa gitna ng nagbabagong kondisyon ng klima.
Isa pang key achievement ng PSF ay ang pagpapabuti ng early warning systems, na nagpapahintulot sa mga komunidad na tumugon nang mabilis sa mga natural disaster at mabawasan ang mga pinsala.
Isinusulong din nito ang mga environmental restoration projects tulad ng reforestation at mangrove restoration, na nakakapag-ambag sa carbon sequestration, biodiversity conservation, at coastal protection laban sa storm surge at erosion.