Ipinasususpinde ni Sen. Idol Raffy Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng lasing na drayber ng SUV na nag-viral sa social media matapos mag-counterflow sa EDSA busway noong July 28 ng gabi.
Sa hearing ng Senate Committee on Public Services kahapon (Aug. 13), nag-init ang ulo ni Sen. Idol nang maisiwalat na imbes kasuhan at dalhin sa kulungan ng Department of Transportation (DoTr) ang SUV driver na kinilalang si Christopher Lim de Vera ay binigyan pa nila ito ng VIP treatment at hinatid sa kanyang condo unit sa BGC, Taguig City.
Sinabon ni Sen. Idol ang DoTr dahil bakit hindi nila dinala sa presinto si de Vera at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10586 o Anti Drunk and Drugged Driving Law.
Mas lalong nanggalaiti si Sen. Tulfo nang tanungin niya ang DOTr kung ano ang naging aksyon nila tungkol sa tatlo nilang empleyado na naghatid kay de Vera sa kanyang condo, at ang sagot ng ahensya sa kanya ay patuloy pa rin daw ang ginagawa nilang imbestigasyon sa insidente na mahigit dalawang linggo na ang nakakalipas.
Agad inatasan ni Sen. Idol ang DoTr na magpataw na ng parusa laban sa tatlong nagkasalang personnel nila. Sumangayon naman si DoTr Ferdinand Ortega at sinabing maliban sa suspensyon ay maaaring matanggal ang tatlo sa serbisyo.
Sermon din naman ang inabot ng Philippine National Police (PNP) dahil kahit may dumating na mobile patrol car sa nangyaring insidente, wala raw ginawa ang mga pulis kundi ang makiusyoso na parang mga chismoso lang at umalis din. Hiniling ni Sen. Raffy sa PNP na patawan ng parusa ang tatlong pulis nila.
Sa susunod na hearing ng komite sa Martes, August 20, nais ni Sen. Tulfo na naipataw na ang karampatang parusa sa mga naging pabaya at nagkasalang kawani ng PNP at DoTr.