KAILANGAN na nang “whole-of-nation approach” ang usapin sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Commodore Constancio Arturo Reyes Jr., ang Western Command (Wescom) Deputy Commander for External Defense Operations.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nitong Agosto 13, 2024, sinabi ni Reyes na ang usapin sa WPS ay hindi na lamang ito laban ng Wescom at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung hindi ito ay laban na ng buong bansa.
“Ang ating West Philippine Sea ay kamalayan ng sambayanan na, kailangan na po ito ng ‘whole-of-nation approach.’ Hindi na po ito laban ng Wescom, hindi po laban ng AFP, laban na po ito ng buong bansa, ng buong citizenry,” pahayag ni Reyes.
Ayon pa sa kanya, malaki na ang ginagawang paninira ng katunggaling bansa ng Pilipinas sa WPS sa pamamagitang ng pagpapakalat ng mga maling balita.
Sinabi pa ni Reyes na ito na ang pagkakataon upang maiparating sa buong mundo na ang Pilipinas ang naaapi at nadedehado sa sitwasyon na nangyayari sa WPS.
Pinasalamatan din ni Reyes, Jr. ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa pagsisikap nito na maiparating sa kamalayan ng mga taga-MIMARO (Mindoro, Marinduque at Romblon) ang usapin hinggil sa WPS.
Nanawagan din ito sa media na tulungan ang Wescom na mapalawak pa ang kaalaman ng buong sambayanang Pilipino tungkol sa WPS.
Sa kasalukuyan ayon kay Reyes, nakabatay pa rin sa rules of engagement ang mga aktibidad na isinasagawa sa WPS at sinusunod lamang kung ano ang mga utos sa kanila.
Ipinapangako naman ng Wescom na patuloy ang kanilang isinasagawang pagprotekta sa lahat ng isla ng bansa sa West Philippine Sea. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)