27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Oplan ‘Bantay Kamalay’ inilunsad ng PNP-Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

INILUNSD ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang Oplan Bantay KAMALAY (KApulisan at MAmamayan para sa maLAyang pamaYanan) para labanan ang kriminalidad.

Ang Oplan Bantay Kamalay ay isang community-based crime intervention ng Philippine National Police, partikular ng PPCPO upang matuldukan ang serye ng nakawan sa lungsod nitong mga nagdaang buwan at maging ng iba pang uri ng krimen.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Aurelio K. Cabintas, Hepe ng Community Affairs and Development Unit ng PPCPCO, layon ng programa na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga pulis at ng komunidad, Ito ay ayon na rin sa adhikain ng Bagong Pilipinas na “Sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis ay ligtas ka.”

Ipinaliwanag ni PPCPO director, Police Colonel Ronie S. Bacuel, ang Kamalay ay isang salitang Cuyunon na ang ibig sabihin ay “kapit-bahay,” kung kaya’t ang adhikain ng Oplan Ligtas Kamalay ay muling buhayin ang malasakit ng magkakapit-bahay.

“Sa programang ito nais nating buhayin ‘yong pagmamalasakit ng magkakapit-bahay, dahil sa ngayon napapansin namin na ang mga magkakapit-bahay ay parang wala nang pakialam sa isa’t-isa; parang hindi na sila magkakakilala,” paliwanag ni Bacuel.

Mula ng ilunsad ang Oplan Ligtas Kamalay noong Mayo ay nakapa-organisa na ang PPCPO ng mahigit 250 purok community at nagkaroon na ang mga ito ng group chat upang agarang maiparating sa mga himpilan ng pulisya ang mga isyung may kaugnayan sa krimen.

Ayon pa kay Bacuel, ang group chat na ito ay hindi lamang nagagamit sa pag-report ng mga krimen, kung hindi ito ay nagagamit din ng komunidad kapag may “emergency” tulad ng pagtawag ng ambulansya. Nagagamit din nila ito sa kanilang maliliit na negosyo at sa pamamagitan nito ay nagkakakilala ang mga magkakapit-bahay sa isang purok.

Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga komunidad ay madaling nareresolba ang mga nangyayaring krimen sa lungsod partikular na ang serye ng nakawan, dagdag pa niya.

Mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2024, nakapagtala lamang ang CCPO ng 299 total crime incidents, kung saan mas mababa ito sa naitalang total crime incidents na 329 noong nakaraang taon sa parehong mga buwan. (OCJ/PIA-MIMAROPA-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -