27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Salamat Elisa Jacob

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
HINDI ko siya personal na kakilala. Nagkataon na isa pala siya sa nakabili ng aking aklat na China The Way, The Truth and The Life, kalipunan ng mga piling sulatin tungkol sa China at sa relasyon ng China at Pilipinas na lumabas sa aking kolum na My Say sa Manila Times mula pa noong 2010. Nangyari na sa pagbili ng aking libro sa online, ang kanyang kabayaran ay dumaan sa aking GCash account. Kaya nang nito lamang na nagdaang linggo ay nailathala ko sa aking Facebook account ang tungkol sa operasyon na kinailangan kong pailaliman upang magpatuloy ang aking regular na dialysis procedure, naisip niyang magpadala ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng aking GCash account.
Maaaring pamilyar siya sa dialysis at alam niya ang malaking  gastusin sa ganung klaseng operasyon. At hindi man ako eksaktong nanghingi ng tulong pinansyal sa aking paglathala tungkol dito, minarapat pa rin niyang kusang mag-ambag ng ayuda.
At masasabi kong hindi maliit na pagdamay ang ginawa ni Elisa. At katulad ng nasabi ko sa aking pasasalamat sa kanya, malayo ang mararating ng tulong niyang iyun.
Kinailangan ko talaga ang pagdamay ng mga kaibigang tulad nina Mentong Laurel, Jera Sison, Fernan Angeles, at ng kapatid kong si Ellen upang malampasan ang panibagong balakid na ito. Pero ang damayan ka ng isang estranghero, wow.
Totoo ang kagandahang loob sa mga taong may malinis na puso.
Wika ni Elisa Jacob sa kanyang mensahe kasabay ng ayuda, “Ingat po kayo. At magpagaling. Yung utak nyo. Kailangang kailangan ng Pilipinas.”
Sa mga nagsalibayang laman ng aking kukute, alin-alin doon ang tinutukoy ni Elisa na kailangang-kailangan ng bayan?
Ang ganap na pagkalas sa armadong paraan ng pagtamo ng hustisya para sa mga uring api’t inaalipin?
Subalit nagpapatuloy ang pagluklok sa puwesto ng mga tiwaling opisyal sa pamamagitan ng prosesong elektoral. Sa mga kaparaanang parlamentaryo, walang pantapat sa pera ng mga likong pulitiko ang mga mahihirap na ibig maglinkod-bayan. Kung hindi sa pamanagitan ng armas, papaano inaasahan ng mga dukha na makahulagpos sa pagdaralita? Iyan nga ang paboritong pang-akit pa rin ng mga tagapagmana ni Jose Maria Sison ng walang katapusang pang-matagalang digmaang bayan.
Subalit kung itatakwil lang natin ang kahambugan na madalas ay siyang gamit sa pangunguyapit sa mga kinagisnang ideya, makikilala natin ang kahalagahan ng kaisipan ni Deng Xiaoping: “Maraming paraan ng pagtalop sa pusa.” Sa kaisipang ito nag-ugat ang patakarang pinairal upang “magbukas” ang China sa pandaigdigang kapitalismo. Sa ngayon, ang ganung pagbubukas ay nakapaggtampok na sa China bilang pumapangalawa na sa pangmundong ekonomiya.
(Sa totoo, ayon sa isang pag-aaral, numero uno na ang China, dangan nga lamang at higit pa ring pipilliin ng China ang maituring na “developing economy” dahil sa mga bentaheng natatamasa sa ganung kategorya.
Sa anu’t-anuman, pabayaan na natin sa China ang pagpapasya kung siya ay “developed” na o “developing” pa rin lang.
Ang di mapapasinungalingan, gaya ng pinagtibay na ng Third Plenum ng 20th Central Committee ng Communist Party of China nitong nagdaang Hulyo, sa patuloy na paggabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse Tung, Deng Xiaoping Theory, Theory of the Three Represents, at ganap na pagpapatupad ng Xi Jinping Thought on Socialism With Chinese Characteristics, maliwanag nang narating sa kalakhan ang pangarap ng China sa isang pangmundong komuninad na may pinaghahatiang kinabukasan para sa buong sangkatauhan.
Ngayon, kung ganun pala’t ang halos rurok na ng pag-unlad ng sosyalismo ay totoo na sa China, bakit magpapakatagal-tagal  at armado pa ang pagsunggab sa kapangyarihang pulitikal ng proletaryadong Pilipino?
Pinatutunayan sa kasaysayan na sa sandaling ang bagong sistemang panlipunan ay naging institusyon na sa isang panig ng mundo, ang iba pang mga sistema sa mundo na luma at atrasado ay natural na lamang na pumapaloob dito.
Ganito ang nangyari sa mga piyudal na sistema sa paikot ng daigdig na pawang nangakapaloob sa kapitalismo na umusbong mula sa rebolusyong industriyal sa Amerika at Europa.
Ngayong ang tuloy-tuloy na pagpalago ng Xi Jinping Thought of Socialism with Chinese Characteristics sa pandaigdigang saklaw, di ba makatwiran lamang na bilang pag-alinsunod sa kasaysayan, ang sistema ng lipunan sa Pilipinas ay natural na pumalob na lamang sa walang pagpigil  na paglago ng sosyalismong may mga katangiang Chino?
Bakit kailangan pa ang armadong pakikibaka na sa totoo lang, ang tanging naging silbi ay busugin ang kahayukan sa kapangyarihang pulitikal ng mga namumuno rito?
Tumatahak sa ngayon ang Pilipinas sa magulong landas. Alin ang susundin, ang litaw na maka-Amerikanong administrasyon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o ang panawagang pagbabalikwas ng kilusang  Maisug na litaw na pakana ng pamilya ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Hinahamon ang katalinuhan ng sambayanang Pilipino. Tusong ipinamamarali ng administrasyong Bongbong na ang isyu na dapat hinaharap ng bayan ay ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas na di-umano’y inaatake ng China. Sa mga nakaraang isyu, nilinaw ng kolum na ito na ang sigalot ay gawa-gawa ng Estados Unidos. Hangad nito na makipag giyera ang Pilipinas sa China upang isulong ang pansariling interes Amerikano, halimbawa ang pakikipagnegosasyon sa trilyung-dolyar na pagkakautang ng US sa China.
Sa kabilang banda, malinaw ang makasasarling layunin ng pamilya Duterte sa pagpapakana nito sa kilusang Maisug.
Pero nasabi na nga natin sa nakaraang kolum: “Kwidaw “ Hindi porke, Duterte iyan, ay pabor na sa China.
May tinatawag na Trojan Horse. Saliksikin natin ito.
Sa anu’t-anuman, pansamantala, magkasya na muna tayo sa mga salita ng matandang Marcos: “There are no permanent enemies. There are only temporary allies (Walang mga permanenteng magkaaway. Meron lamang mga pansamatalang nagkakampi).“
Hindi porke kaaway ni Duterte ang Kano noon, ay kaaway niya pa rin ito ngayon.
Sa ganang Bongbong ito ang hamon: “Pakatotoo ka sa panatang binitawan mo sa memorial ng iyong ama noong 1989: “I am faced with the awesome responsibility of filling in the shoes of my father (Kinakaharap ko ang nakalululang pananagutan na punan ang mga sapatos ng aking ama.”
Kung ganyang nagustuhan ni Elisa Jacob ang aking aklat na China The Way, The Truth and The Life, maaring kaisa ko siya sa pagsasabi:
“Punan mo na ngayon, Bongbong. Panumbalikin mo ang dakilang araw ng  Hunyo 9, 1975 – nang itatag ng iyong ama ang habampanahong pagkakaibigan ng China at Pilipinas.”
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -