UMABOT sa 1,853 na trabaho ang inialok sa mga graduate ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa Bulacan.
Sila ang mga nagsipagtapos mula sa iba’t ibang Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng ahensya.
Ayon kay Tesda Provincial Director Melanie Grace Romero, ginanap ang World Café of Opportunities Fair sa Regional Training Center sa bayan ng Guigunto bilang bahagi ng National Tech-Voc Day na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Agosto sang-ayon sa Republic Act 10970.
Layunin nito na maagapayan ang kanilang mga graduate na matanggap sa inaaplayang trabaho.
Pinapatunayan aniya nito na hindi lang tagapagbigay ng libreng matataas na kalidad ng skills training ang Tesda kundi magtitiyak na maipapasok agad sila sa target na trabaho.
Sa pagbubukas pa lamang ng nasabing fair, 10 indibidwal ang pawang mga hired on the spot (HOTS).
Kabilang dito ang 23 taong gulang na taga-Calumpit na si Jerico Tala na naging HOTS bilang isang welder sa Megawide Corporation.
Dating Grade 4 lamang ang naabot sa pag-aaral kaya’t nagsumikap na makatapos sa Alternative Learning System ng Department of Education hanggang nagkaroon ng oportunidad na maging scholar ng Tesda at ngayo’y nakatamo na ng NC I at NC II sa kursong Welding.
Samantala, isinabay sa World Café of Opportunities Fair ang National Enrollment Day kung saan aabot sa 1,088 slot ang bukas para sa TWSP ng Tesda Bulacan para sa School Year 2024-2025.
Magiging karagdagan ito sa 10,338 na benepisyaryo ng TWSP na ipinagkaloob ng TESDA Bulacan mula nang pumasok ang taong 2024. Aabot sa P248 milyon ang halaga ng naturang mga scholarship.
Iba pa rito ang 1,080 na nabiyayaan ng Special Training for Employment Program ngayong taon na may halagang P21.1 milyon. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)