27.4 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Mga panganib ng pagbababa ng interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Agosto 15, 2024 ibinaba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga pangunahing pinagbabatayang interest rate ng 25 basis points mula 6.5% tungo sa 6.25%. Mas nauna pa ang BSP sa pagbababa ng mga pinagbabatayang interest rate kaysa Federal Reserve ng Estados Unidos. Sinabi ni Eli Remolona na inaasahan nilang magbababa rin ang Federal Reserve ng Estados Unidos ng mga pinagbabatayang interest rate ng 50 basis points sa Setyembre at hanggang 100 basis points bago matapos ang kasalukuyang taon. Bakit inunahan ng BSP ang Federal Reserve sa pagpapatupad ng magaan na patakarang pananalapi?

Nagmamadali ba ng BSP dahil matamlay ang lagay ng ekonomiya ng Pilipinas kaya’t dapat maging mura ang halaga ng salapi at pangungutang?  Hindi naman matamlay ang lagay ng ekonomiya. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang GDP ng Pilipinas noong ikalawang kwarter ng taon ay tumaas nang 6.3 porsiyento. Ito ang isa sa pinakamataas o ang pinakamataas na porsiyento ng paglaking ekonomiko sa buong rehiyon.

Baka naman nangangamba ang BSP na pumapasok na sa panahon ng resesyon ang Estados Unidos dahil sa pagbagsak ng mga presyo sa bilihan ng mga stock at mabagal na paglaki ng empleo. Upang tugunan ang posibleng resesyon sa US at matamlay na bilihang panlabas dapat tapatan ito ng BSP ng pagpapasigla sa panloob na ekonomiya sa pamamagitan pagbababa ng presyo ng pangungutang upang tumaas ang mga gugulin.

Baka naman gusto lamang matamo ng BSP ang target na porsiyento ng paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagitan ng 6.5 hanggang 7 porsiyento?

Ano man ang dahilan ng BSP sa pagpapatupad ng patakarang ito, dapat alamin natin ang mga panganib nito. Ang ilan sa mga panganib sa pagbababa ng interest rate at pagpapataas ng mga guguling kasama na ang pagkonsumo at pangangapital ay pagbilis ng inflation rate at depresasyon ng PHP piso. Ang agarang pagpapataas ng mga gugulin bunga ng mababang interest rate ay magpapataas ng presyo dahil tinatapan ito ng mabagal na pagtaas ng suplay ng mga produkto at serbisyo.  Ang panganib ng pagtaas ng pangkalahatang presyo o inflation ay alam ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ang tugon ni Gobernador Eli Remolona sa panganib na ito ay ang paghahayag na ang inflation rate sa Pilipinas sa nakalipas na panahon ay may pababang direksyon.  Dahil dito, hindi mapanganib ang pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpaparami ng suplay ng salapi. Ayon naman kay Francis Dakila, ang Pangalawang Gobernador ng BSP, ang tinatayang inflation rate na nakaloob ang panganib sa 2024 ay nasa 3.4 porsiyento.  Kahit na mataas  ito sa 3.1% na naitala sa nakaraang taon, nasa loob pa rin ito ng target na inflation rate ng ekonomiya na nasa pagitan ng 2 hanggang 4 porsiyento.


Ang hindi lantarang binanggit ng BSP ay ang panganib na depresasyon ng PH piso. Bunga ng mababang interest rate maaaring tanggalin ng mga negosyante ang kanilang mga pondo na nakalagak sa mga bilihan ng mga instrumentong pananalapi sa Pilipinas at ilipat ang mga ito sa mga bansang matataas ang interes rate tulad ng Estados Unidos. Ang paglilipat na ito ay magpapaliit sa suplay ng US dolyar sa Pilipinas na magpapataas sa presyo ng US dolyar o depresasyon ng halaga ng PHP piso. Ngunit ipinahiwatig ni Remolona ang tugon sa panganib na ito. Inaasahan ng BSP na ibababa rin ng Federal Reserve ng 50 basis points ang kanilang mga pinagbabatayang interest rate sa Setyembre ngayong taon at 100 basis points bago matapos ang 2024. Kung ganito ang gagawin ng Federal Reserve ng Estados Unidos ang relatibong presyo ng PHP piso sa US dolyar ay hindi magbabago at walang mangyayaring depresasyon ng PH piso.

Ang problema ay kung hindi ipatupad ng Federal Reserve ng Estados Unidos ang pagbababa ng mga pinagbabatayang interest rate. Kung hindi nila ito ipatutupad sa mga susunod na buwan o kwarter, maaaring bumaba ang halaga ng PH piso kung ihahambing sa US dolyar. Ang depresasyon ng piso ay maaaring magpataas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang mga produktong gumagamit ng mga inaangkat na hilaw na sangkap. Kahit magiging mura ang ating mga eksport hindi pa rin tataas nang ganoong kalaki ang ating eksport dahil matamlay nga ang bilihang eksternal.

Ang malala nito ay ang lalo pang bibilis ang tinatantiyang ng pagtaas ng presyo bunga ng paglawak ng mga gugulin at ikalawa ay bunga ng depresasyon ng piso.

Dapat maging handa ang BSP sa mga panganib ng pagbababa ng mga pinagbabatayang interest rate at kailangang may pantapat silang patakaran na panlaban sa mabilis na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -