NOONG Agosto 24, 2024, isinakatuparan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang legal na tungkulin na magsilbi ng mga warrant of arrest laban kay Apollo Quiboloy at sa kanyang mga kasama na nasasakdal sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound. Ayon sa iba’t ibang ulat ng intelihensiya, nasa loob pa rin ng compound si Apollo Quiboloy. Umano’y ang compound ay sumasaklaw ng higit-kumulang sa 30 ektarya ng lupa na puno ng maraming gusali, mga tagong kwarto, at mga lagusan na nangangailangan ng masusi at patuloy na paghahanap.
Diumano, isang miyembro ng KOJC, habang nasa itaas ng isang tore sa loob ng KOJC compound, at walang pisikal na pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng PNP, ay bigla na lamang nawalan ng malay. Agad na rumesponde ang mga medical team ng PNP at dinala ang nasabing indibidwal sa ospital. Sa kasamaang palad, pumanaw ang indibidwal dahil sa hinihinalang atake sa puso. Kaugnay nito, ipinaaabot namin ang aming taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapwa-miyembro ng KOJC.
Muli kong inuulit ang aking panawagan kay Apollo Quiboloy at sa kanyang mga kasamahan na nasampahan ng kaso na kusang loob na sumuko upang harapin ng naaayon sa batas ang mga paratang ng pang-aabuso sa bata, pang-aabusong sekswal, at human trafficking. Ang pagsuko ni Quiboloy ang tanging paraan upang maipakita niya ang kanyang paggalang sa batas.
Ipagpapatuloy ng PNP ang kanilang tungkuling isilbi ang mga warrant of arrest, habang pinapanatili ang pinakamataas na antas ng pagpapasensya at paggalang sa karapatang pantao.
Ang aming pangako na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad ay mananatiling matatag. Hinihikayat ko ang publiko na manatiling kalmado at hayaan ang legal na proseso ang umiral.