26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Pamahalaan, isusulong ang collective bargaining sa mga electric cooperatives

- Advertisement -
- Advertisement -

NILAGDAAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) at ng National Electrification Administration (NEA) ang kasunduan na magsusulong at magpapalakas sa kapasidad para sa kolektibong pakikipagkasundo ng mga empleyado at management sa electric cooperative.

Nilagdaan nina DoLE Secretary Bienvenido Laguesma at NEA Administrator Antonio Mariano Almeda (itaas) ang Memorandum of Agreement on the Joint Capacity Building Program for Electric Cooperatives noong Agosto 13, 2024 sa Quezon City. (Kuha ni Alejandro P. Echavez, DOLE-IPS)

Isinapormal ang partnership, kung saan binibigyang-diin ang kahalagahan ng collective bargaining agreement (CBA) sa pagtatakda ng tuntunin sa trabaho at pagsasaayos ng di-pagkakaintindihan sa lugar-paggawa, sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na nilagdaan nina DoLE Secretary Bienvenido Laguesma at NEA Administrator Antonio Mariano Almeda noong Agosto 13, 2024 sa
Quezon City.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DoLE at NEA ay magsasagawa ng Joint Capacity Building Program upang bigyan ng kakayahan ang miyembro ng parehong unyon at management sa pagsasaayos, pagpapanatili o pagbabago ng kanilang CBA at tiyakin na napapanatili ang pinansyal na kakayahan ng lahat ng electric cooperative.

Ang DOLE ang magbabalangkas sa nilalaman, disenyo at methodology ng programa, magbibigay ng resource person at suportang-teknikal sa pagbubuo at implementasyon ng CBA.

Bahagi ang joint capacity development initiative sa pinalawak na labor education program ng DoLE.

“Tunay na napakahalaga ng pagkakaroon ng tamang kaalaman at angkop na kakayahan upang matagumpay na maisagawa ang anumang kolektibong pakikipagkasundo. […] Makakatulong ito sa mga stakeholders ng mga kooperatiba na maunawaan ang tamang proseso ng collective bargaining negotiations, magbigay ng malinaw at makatwirang mga patakaran, at magtaguyod ng kapayapaan at
pagkakaisa. Higit sa lahat, mapapalakas ang sektor ng kooperatiba, mapapabuti ang kondisyon ng trabaho, at masusuportahan ang pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya,” pahayag ni Laguesma.

Binigyang-diin ng Kalihim na itinataguyod ng pagtutulungan ang pangunahing karapatan ng manggagawa na mag-organisa at kolektibong makipag-negosasyon, na nakatakda sa 1987 Constitution, ang Labor Code, at international labor standards.
Noong 1953, pinagtibay ng Pilipinas ang pagtalima sa pangako nitong protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagratipika sa ILO Convention 87, na gumagarantiya sa kalayaan sa pagsasamahan at ang karapatang mag-organisa. Ito ay lalo pang pinalakas sa pagpapatibay ng ILO Convention 98, kung saan partikular na itinataguyod ang karapatan sa collective
bargaining.

Samantala, sinabi ni Administrator Almeda na nilalayon ng NEA na bigyang kapangyarihan ang mga empleyado ng electric cooperative sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang karapatan na makipag-negosasyon para sa patas na tuntunin sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng collective bargaining, na sa huli ay magbubunga ng mas maayos na paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga kliyente.

Dumalo rin sina Undersecretary Atty. Benedicto Ernesto Bitonio, Jr., at Assistant Secretary Atty. Lennard Constantine Serrano ng Labor Relations, Policy and International Affairs Cluster and Regional Operations Cluster; Undersecretary Atty. Felipe Egargo, Jr., ng Legislative Liaison and Legal Affairs Cluster and General Administration Cluster; Labor Arbiter and Officer-In-Charge Atty. Maria Consuelo Bacay ng Bureau of Labor Relations; at Executive Director Atty. Maria Teresita
Lacsamana-Cancio ng National Conciliation and Mediation Board.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -