TINAPOS na ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Martes ang pagdinig sa resolusyon na tumatalakay sa restrictions sa foreign ownership sa public utilities, higher education at advertising sa 1987 Constitution.
Ani Padilla, tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, natalakay na ang mga ito – na laman ng Resolution of Both Houses (RBH) 6 – ng subcommittee na pinamunuan ni dating Sen. Juan Edgardo Angara.
Dagdag niya, hindi pa rin naresolba hanggang ngayon kung boboto nang sabay o hiwalay ang Senado at Kamara sa pagtalakay ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
“Aking gustong iparating sa ating mga kababayan na itong RBH na ginawa ng pagdinig ng ating kaibigan si Sen. Angara ay isasarado natin ito. Ia-adjourn natin ang pagdinig na ito, ginawan na namin ito ng pagdinig,” aniya.
“Hindi na natin kailangang umikot uli at gumastos uli at tanungin uli. Paulit ulit na tanong pero babagsakan nito wala rin,” dagdag niya.
Ani Padilla, isasama na niya ang output ng pagdinig na pinamunuan ni dating Sen. Angara sa kanyang magiging committee report.
Sa pagtapos ng pagdinig sa RBH 6, ikinalungkot ni Padilla ang “chicken or egg” situation sa pagboto ng Senado at Kamara sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ito ang dahilan kung bakit naghain siya ng petisyon sa Korte Suprema, aniya.
“Katulad ito ng katanungan ano nauna, itlog o manok. Maghahain ng pagbabago ang mambabatas pero mauuwi sa wala sapagka’t walang kasagutan kung boboto ng magkasama o hiwalay ang member ng Kongreso. Ang masidhing damdamin ng inyong lingkod para makamit ang kasagutan ang siyang nagtulak para iakyat ko usapin sa Korte Suprema,” aniya.