LUBOS na nagpasalamat si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa ‘cash relief’ na ipinamahagi ng huli sa may 9,000 mangingisda mula sa siyam na coastal cities and municipalities sa Cavite na sinalanta ng MT Terranova oil spill.
“Maraming salamat kay PBBM para sa kanyang malasakit sa ating mga mangingisda sa Cavite at kanilang mga pamilya. Layunin ng ayudang ito na tulungan silang makatawid, habang hinihintay ang ‘main compensation’ na magmumula sa may-ari at insurer ng MT Terranova,” pahayag ni Tolentino.
Kabilang ang senador sa mga sumalubong kay PBBM sa General Trias noong Miyerkules (Agosto 28) para mamahagi ng tulong pinansyal sa 9,000 mangingisda mula sa Rosario, Noveleta, Kawit, Tanza, Naic, Maragondon, Ternate, Imus, at Bacoor.
Nakatanggap ng P6,500 ang bawat benepisyaryo, habang ang nalalabi sa kabuuang 25,000 apektadong mangingisda ng lalawigan ay bibigyan din ng kaparehong halaga sa mga susunod na distribusyon ng pamprobinsyang pamahalaan.
Si Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. 1084 para imbestigahan ang malawakang oil spill na idinulot ng paglubog ng MT Terranova noong Hulyo 25, gayundin ang paglubog ng dalawa pang barko na napag-alamang walang kaukulang permits.
“Hindi pa nasisimulan ang distribusyon ng kompensasyon dahil dadaan pa raw ito sa isang proseso,” paglilinaw ng senador, base sa impormasyong nakalap mula sa Senate probe noong Agosto 14.
Iginiit din nya na bukod sa mga mangingisda, dapat ding makatanggap ng kumpensasyon ang mga kahalintulad na sektor gaya ng mga nagbebenta ng isda.
“Dapat ding tulungan ang mga nagbebenta ng isda at shellfish. Marami sa kanila ang nagsara at tumigil sa pagbebenta matapos makontamina ng langis ang mga isda at lamang-dagat sa kanilang lokalidad,” paliwanag nya.
Bilang pagtatapos, siniguro ni Tolentino na magpapatuloy ang Senate inquiry para pag-aralan kung paano mapapahigpit ang maritime regulations ng bansa para maiwasan ang oil spills sa hinaharap, gayundin ang di awtorisadong paglalayag ng mga barkong kolorum o di rehistrado at unseaworthy.