HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pabilisin ang pagsasampa ng anti-money laundering charges laban sa inalis na Bamban Mayor Alice Guo at kanyang mga kasamahan.
“Naiinip na kami sa kaso dahil halata namang may money laundering na nangyari sa pagtatatag ng POGO hub sa Bamban,” sabi ni Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado. Napag-usapan din sa naturang pagdinig kung paano nakapuslit si Guo at ang kanyang mga kasamahan paalis ng Pilipinas nang hindi nalalaman ng mga awtoridad.
Sinabi ni AMLC Deputy Director for Investigation and Enforcement Department Adrian Arpon na umaasa ang ahensya na maisampa ang unang kaso ng money laundering kaugnay sa Bamban POGO sa loob ng linggong ito para sa preliminary investigation. Sa kaso naman ng POGO sa Porac, sinabi ng AMLC na patuloy pa rin ang imbestigasyon nito at pangangalap ng impormasyon.
Dahil sa direksyon ng imbestigasyon, tinanong ni Gatchalian kung maaari itong mauwi sa hold departure order laban sa lahat ng akusado. Bilang tugon, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na ang isang opsyon ay humiling ng precautionary hold departure order mula sa korte.
“Ang layunin natin ay matiyak na hindi na muling makakatakas ang mga sangkot sa krimen, gaya ng nangyari sa mga insidente ng POGO sa Bamban at Porac,” ani Gatchalian.
Samantala, hinimok ni Gatchalian si Sheila Guo na makipagtulungan sa gobyerno sa pagtuklas sa mga anomalyang ginawa ni Alice Guo at ng kanyang pamilya kaugnay sa POGO sa Bamban. Si Shiela Guo ay may mataas na posisyon sa mga negosyo ng pamilya Guo kaya malaki ang maitutulong ng kanyang salaysay sa imbestigasyon, ayon sa senador.
“Ang pwede mong gawin ngayon ay magsabi ka na ng totoo kung ano ang involvement ni Alice Guo sa POGO, ano ang kanyang mga aktibidad. Tumulong ka sa gobyerno. Kung sinasabi mo na hindi mo alam ‘yung ibang mga pinapirmahan nila sa iyong mga dokumento, dahil pinirmahan mo ang mga iyun, ikaw ay sentro rin sa mga imbestigasyon. Inilagay ka sa masamang sitwasyon ng pamilya Guo, pinahamak ka nila,” ang sabi niya kay Shiela, na ayon sa National Bureau of Investigation ay may Chinese name na Zhang Mier.