AABOT sa 60,000 Batangueño ang nakatanggap ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa pagbisita ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Lipa City, Batangas nitong ika-24 hanggang 25 ng Agosto 2024.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ito na ang ika-22 Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa bansa na layong makapaghatid ng mga angkop na serbisyo at maisulong ang adbokasiya tungo sa “mabilis, maayos, maginhawa, at masayang serbisyo publiko.
Sa pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, binigyang diin ni House Speaker Martin Romualdez Jr. ang kahalagahan na mailapit sa tao ang mga serbisyo at programa ng gobyerno.
“Nais nating ilapit ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan upang mas maramdaman nila ang presensya ng gobyerno at pagsusulong natin ng isang Bagong Pilipinas kung saan mas madali, mas maayos at mas epektibo ang serbisyo para sa mga kababayang Pilipino,” ani Romualdez.
Dagdag pa ni Romualdez, ito ay alinsunod rin sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang Pilipino ang maiiwan sa pagtahak sa Bagong Pilipinas.
Pinangunahan nina Romualdez, Recto, at Senator Bong Revilla, kasama ang mga kinatawan ng Kongreso ang pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Tampok sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ang nasa 209 programa at serbisyo mula sa 50 ahensiya ng pamahalaan.
Aabot naman sa P563-M ang kabuuang halaga ng tulong na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo mula sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), at iba pa.
Nagkaroon din ng mega job fair kung saan libu-libong Batangueño ang nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho.
Namahagi rin ng aabot sa P245-M halaga ng tulong ang DSWD para sa 49,000 benepisaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa buong lalawigan.
Kabilang din sa mga tulong na ipinamahagi ang educational assistance mula sa Commission on Higher Education (CHEd). Nagbigay din ng tulong pangkabuhayan ang Technical Education Skills and Development Authority (Tesda) para sa mga benepisyaryong Batangueño.
Lubos naman ang pasasalamat ng Sapaglaya Cooperative, isa sa mga benepisyaryo ng cash assistance mula sa DoST. Anila, malaki ang maitutulong nito upang mas mapaunlad at mapaganda pa nila ang kanilang produkto at mas malawak na merkado ang maabot nito.
Ayon naman kay Chucks Michael Manguerra, isang Tesda scholar sa ilalim ng Shielded Metal Art Welding, malaking tulong ang mga welding machine tool kits gayundin ang cash assistance na kanilang natanggap para makapgsimula ng maliit na negosyo.
“Sa pamamagitan po ng mga ganitong programa gayundin ang pagsasagawa ng serbisyo fair, maraming mga tulad ko ang mabibigyan ng tulong at maiiba ang pamumuhay dahil malaking tulong ito sa amin,” pahayag ni Manguerra.
Sa panayam naman sa isang DoST Scholar na si Nina Ricci Landicho, nagtapos sa kursong Computer Engineering sa Batangas State University-The National Engineering University (BatStateU-TNEU), malaking tulong ang ipinamamahaging educational assistance ng DoST sa mga kabataang tulad niya na nagnanais makapagtapos.
“Napakalaking tulong ng DoST sa akin dahil kung hindi sa kanilang scholarship program maaaring hindi ko kaagad matatapos ang aking pag-aaral dahilan sa kakulangan ng pinansyal na aspeto,” ani Landicho.
“Tinulungan ako nitong tupadin ang aking pangarap na makatapos kaya’t para sa mga kabataang nais mag-aral, subukan nila ang scholarship ng DoST upang tulad ko ay matupad nila ang hangaring makatapos ng pag-aaral”, dagdag nito. (MPDC/PIA-Batangas)