“Tantanan n’yo ang motorcycle riders at mga motorista! Huwag n’yo silang parusahan sa paggamit ng non-compliant temporary and improvised license plates. Hindi nila kasalanan kung kulang ang ating official license plates – na responsibilidad mismo ng LTO.”
Ito ang binigyang diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, sa kanyang mariing pagtutol sa isang direktiba ng Land Transportation Office (LTO) na naghihigpit sa paggamit ng temporary and improvised license plates para sa mga motorsiklo at motor vehicles magmula Setyembre 1, 2024.
“Sablay ang lohika ng paghuli at pagmumulta sa mga rider at motorista sa paggamit ng temporary plates na ‘di umaayon sa kanilang direktiba. Dapat resolbahin muna ng LTO ang sarili nitong backlog sa pag-iisyu ng official license plates,” paliwanag nya.
Ayon kay Tolentino, iniulat ng LTO sa Senado na umaabot sa 12,548,909 ang backlog nito sa pag-iisyu ng mga opisyal na plaka noong Pebrero ngayong taon.
Samantala, sa panayam ng senador kay 1-Rider Party-List Representative Bonifacio sa kanyang programang ‘Usapang Tol,’ ibinahagi ni Bosita na nasa 9 milyon ang nalalabing backlog sa mga plaka, ayon sa datos ng LTO.
Sa ilalim ng VDM-2024-2721 ng LTO, “all motor vehicles and motorcycles using non-LTO issued plate number, except as authorized and specified by this Memorandum, shall be apprehended and the appropriate legal actions and penalties in accordance with existing laws and regulations shall be imposed.”
Bilang panghuli, nanawagan si Tolentino sa LTO na kung maaari’y “lubayan na ang pagtugis sa mga motorcycle rider” at hintayin na lamang ang paglagda ng Pangulo sa panukalang kanyang inisponsor, ang Senate Bill No. (SBN) 2555.
Layunin ng panukala na amyendahan ang mga kontrobersyal na probisyon ng Republic Act (RA) 11235, o ang Doble Plaka Law, na nagdidiskrimina laban sa mga rider at may-ari ng motorsiklo.
Sa botong 22-0 ay inaprobahan ng Senado ang SBN 2555 sa ikatlo at huling pagbasa noong Hulyo 29. Samantala, lusot na sa committee level ang counterpart measure nito sa Kamara, at nakatakda nang isalang sa plenaryo, ayon kay Bosita.