27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Debris ng rocket na may dalang remote sensing satellites ng China, bumagsak sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGLUNSAD ang China ng panibagong Long March-4B carrier rocket nitong Setyembre 3 na may dalang panibagong batch ng Yaogan-43 remote sensing satellites sa kalawakan kung saan sa karagatan malapit sa Pilipinas bumagsak ang mga debris nito.

Sa advisory ng Philippine Space Agency (Philsa), kinumpirma nito ang naturang aktibidad ng China kasabay ng babala sa pagbagsak ng mga debris ng rocket sa karagatan malapit sa teritoryo ng Pilipinas.

Bahagi ang mga debris na inaasahang babagsak 243 nautical miles mula sa Philippine Rise at 318 NM naman mula sa Panay Island, Catanduanes.

Bahagi ang paghiwalay ng mga parteng ito ng paglulunsad ng rocket upang masimulan ang stage 2 nang pagpapalipad sa kalawakan patungo sa pwesto nito sa orbit ng mundo.


Inilunsad ang rocket ng China mula sa Xichang Satellite Launch Center sa Liangshan Yi Autonomous Prefecture, Sichuan.
Bilang bahagi ng ganitong aktibidad, kinakailangang maglabas ng Notice to Airmen (Notam) bilang babala ang magsasagawa nito.
Kasunod ng abisong ito, naglabas ng pre-launch report ang Philsa at ipinagbigay alam ito sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno.
Mahalaga ang pagbibigay ng mga abisong ito bilang babala sa mga sasakyang panghimpapawid at mga sasakyang pandagat upang makaiwas tamaan sa pagbagsak ng mga debris.

Samantala, ginagamit ang remote sensing satellites sa maraming bagay kabilang na ang paghahanap ng mineral resources, pagmomonitor sa mga baha at tagtuyot, kahalumigmigan ng lupa, pagkalagas ng kagubatan, forest fires, land cover, road monitoring, urban planning at iba pa.

Hindi unang pagkakataon na naglunsad ng rocket ang China at bumagsak ang debris malapit sa Pilipinas.

Katunayan, naglabas din na kahalintulad na abiso ang Philsa noong Enero 9, 2023. Sa advisory ng Philsa, ipinagbigay alam nito sa publiko ang pagpapalipad ng Long March 7A mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan Island.

- Advertisement -

Dalawang drop zones ang binagsakan ng mga debris nito- una, tinayang nasa 79.877 kilometro mula sa Burgos, Ilocos Norte, o 121.306 kilometro naman sa Dalupiri Island ng Babuyan Islands at ang pangalawa ay 41.686 kilometro mula sa Sta. Ana, Cagayan, na 41.37 kilometro naman kung mula sa Camiguin Island ng Babuyan Islands, o 47.844 kilometro sa mismong Babuyan Island.

Inaasahan na masusundan pa ang mga ito dahil may tatlong kompanya sa China na balak maglagay ng kabuuang 40,000 satellites sa low Earth orbit (LEO) sa mga susunod na mga taon.

Sa report ng CNN na may petsang Agosto 9, 2024, kung saan ibinalita nito ang kauna-unahang paglulunsad ng rocket ng Chinese na kompanyang Qianfan para sa balak nitong pagkakaroon ng sariling konstelasyon na bubuuin ng 14,000 satellites na pang broadband internet sa kalawakan.

Ayon sa report, iniuulat ng CCTV, isang istasyong pag-aari ng China, dinala ang 18 satellite ng rocket na bahagi ng bubuuing konstelasyon ng Qianfan, isang kompanyang pag-aari ng gobyerno ng China. Balak ng Qianfan na lagyan ng mahigit 600 satellites bago matapos ang 2025 hanggang sa umabot sa 14,000 satellites sa taong 2030.

Gamit ang mga satellite na ito, makapag-aalok ng broadband internet na ibabato patungo sa mundo galing sa kalawakan ang China gaya ng ibang mga bansa na gumagamit na nito.

Layunin ng China na manguna sa industriya ng internet-enabled devices, ayon pa sa ulat.

- Advertisement -

Bukod sa Qianfan, may dalawang kompanyang Chinese pa na nagbabalak maglagay ng satellites sa kalawakan.

Balak ng China Satellite Network Group para sa Guowang constellation project nito na maglagay ng 13,000 satellites, samantalang balak ng pribadong kompanya na Landspace’s Honghu-3 na maglagay ng 10,000 satellites sa LEO, ayon sa CNN report.

Tumutukoy sa distansyang hindi lalagpas sa 1,200 milya mula sa ibabaw ng mundo ang tinatawag na LEO (low Earth orbit).

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -