PINAKAHULING pangyayari sa away ng China at Pilipinas sa South China Sea ay ang pag-angkla malapit sa Escoda (Sabina) Shoal ng barkong BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG). Walang hayag na dahilan kung bakit doon umangkla. Ayon kay Herman Tiu Laurel, presidente ng think tank na Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), ang nasabing pag-angkla ay bilang paghahanda sa plano ng PCG na ibalahura ang Teresa Magbanua sa Sabina Shoal tulad ng ginawa sa BRP Sierra Madre na isinadsad sa Ayungin Shoal noong 1999 upang magsilbing outpost ng Philippine Marines. Dugtong pa ni Laurel na sa ganung paraan nagawang angkinin ng Pilipinas ang Ayungin Shoal.
Ibig sabihin, kung maisasadsad ang Teresa Magbanua sa Sabina Shoal, daan iyun upang sa pagdaloy ng panahon ay itatag ang isa na namang istasyon militar ng Pilipinas.
At sapagkat ang bahura ay pinaninindigan nga ng China na kanyang teritoryo, ang pagtatayo roon ng base militar ng Pilipinas — o maging ng alin mang bansa — ay tunay na napakamapanganib. Patunay ang tumitinding banggaan na nagaganap ngayon sa pagitan ng PCG at CCG (China Coast Guard) kaugnay ng mga resupply mission ng PCG sa BRP Sierra Madre na iginigiit naman ng Pilipinas. Oras na ang Sabina Shoal ay matayuan ng panibagong base militar ng Pilipinas, tiyak na madodoble ang panganib, o higit pa.
Hindi na pagdedebatehan pa, igigiit at igigiit ng China ang kanyang soberanya sa mga inaangking teritoryo sa South China Sea. Naghahanap ka lang talaga ng gulo pag ipinagpilitan mo naman ang sariling soberanya sa teritoryo ring iyun na inaangkin mong iyo rin.
Sabi nga sa awit, kapag ang dalawang di-maawat na pwersa ay nagbanggaan, isa sa kanila ang dapat na magbigay. Malaking kasamaang palad para sa Pilipinas na pag totoong banggaan na ang pinag-usapan, siya ang tipo na dapat bumigay. Pero ni hindi ganun ang pinag-uusapan dito.
Noon pang panahon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, nag-alok na si Pangulo Xi Jinping ng China na isaisantabi ang mga di pinagkakasunduan at yakapin ang kooperasyon. At sa pagtanggap ni Duterte sa alok, ganap na yumabong ang pagkakaibigang Chino-Pilipino.
Ang dating embargo ng China sa pakikipagkalakalan sa Pilipinas ay inalis. Ang zero-import ng China sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas ay winakasan at nanumbalik ang pag-angkat ng China sa mga gulay, prutas at kataying hayop ng Pilipinas. Ss larangang ito, sa mga unang buwan pa lamang ng administrasyong Duterte, nakapag-ambag na ang China sa kabuhayan ng Pilipinas na nagkakahalaga ng $125 milyon. Sa panahon ni Pinoy, zero ang turistang Chino sa Pilipinas; sa termino ni Duterte, pumaimbulog sa numero uno ang mga turistang Chino na dumalaw sa Pilipinas.
Ang dalawang karagdagang tulay sa Pasig River, isa sa Binondo, isa sa Pasig na nagkakahalaga ng $5 milyon, ay pagawa ng China gratis et amore.
Kaagad dapat linawin na ang pagtukoy kay Duterte sa usaping ito ay hindi nangangahulugan na sa kanya ang kredito; tinutukoy ang Digong bilang sukatan lamang ng panahon. Ang pinahahalagahan na usapin ay ito: huwag mo lang aawayin ang China, lahat ng pakinabang mula sa kaunlarang Chino ay mapapasaiyo rin.
Kung bakit pagpasok na pagpasok pa lamang ng administrasyon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. biglang bago ng ihip ng hangin. Sa kanyang inaugural pa lamang, ang diin niya ay ito: *Hindi ko ipamimigay ang kahit isang kwadro pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa sinumang banyagang poder (salin mula sa orihinal na English: ‘I won’t cede even a square inch of Philippine territory to any foreign power’).”
Hindi man diniretso ang tukoy, maliwanag pa rin na ang pinatutungkulan ay China. Sa panahon na iyon, nagsisimula nang umalagwa ang propagandang kontra-Chino na pakulo ng mga alipures ng Amerika. Sa pasimuno ng isang Raymond Powell, dating opisyal ng United States Air Force, itinatag ang Project Myoushu sa layuning pag-apuyin sa galit sa China ang mga Pilipino. Gawa ni Powell ang kunan ng satellite video ang pagpapatupad ng CCG sa mga batas pangkaragatan ng China at ang pagsuway rito ng mga Pilipino, alin kung mga sibilyan na mangingisda o mga tauhan ng PCG na naghahatid ng mga probisyon sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ipo-post ni Powell ang mga video sa kanyang Twitter Account, pi-pickup-in ng mainstream media at palilitawin na pananalakay ng China sa Pilipinas. Sa pagpapaulit-ulit ng ganung proseso, nagawa ni Powell na palitawin na mananalakay nga ang China.
At sa panig naman ni Bongbong, ang patindi na patinding reaksyon.
Una, ang pakikipagmatigasan: “Sabi nila sa kanila iyun. E, sa atin talaga iyun.”
Sumunod ang pag-ulit sa kanyang SONA: “Hindi ko ipamimigay ang kahit isang kwadro pulgada ng Republika ng Pilipinas sa kahit sinong banyagang poder.”
At nitong kagyat na nakaraang panahon: “Oras na may namatay na kahit isang Pilipino ay ituturing iyon na aktong pandigma at sasagutin ng kaukulang hakbang.”
Sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT), papasok ang Amerika sa pakikipagdigma ng Pilipinas sa sinumang banyagang mananalakay.
Sa katunayan, ang ganitong pakikialam ng Amerika ang siyang naging tinutungo ng mga mahahalagang desisyon ni Bongbong.
Pangunahin na rito ang pagbigay sa Amerka ng apat pang karagdagang base militar sa ilalim ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) upang pagdeployan ng mga tauhan at pasilidad pandigma.
Tatlo sa mga baseng EDCA na ito ay nasa Cagayan at Isabela, mga isang kilometro lamang ang layo mula Mainland China, at isa sa Palawan, halos nasa mano-mano nang komprontasyon sa mga abanteng base militar ng China.
Samantala, hindi nagbabago ang patakaran ng China upang maiwasan ang giyera: walang katapusang dayalogo. Ipinahayag ito ni Ambassador Huang Xilian sa Ninth Manila Forum ng Association for Philippines-Ghina Understanding noong Agosto 22, 2023; inulit sa bersyon ng ganun ding forum nitong nakaraang Hulyo, at paulit-ulit na ipinagdidiinan sa bawat pagkakataon upang iwasan ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at China: Dayalogo, dayalogo, dayalogo.
Kung bakit nga ginugusto pa ni Bongbong na ibulid ang bansa sa giyera. Paulit-ulit niyang pahayag na siyang dapat nating katakutan: oras na may namatay na isang Pilipino dulot ng mga gawi ng China sa South China Sea, ituturing niya itong aktong pandigma at bibigyan ng kaukulang tugon.
Kamakailan lamang ay may naputulan na ng hinlalaki sa mga Pilipinong sakay ng barkong pangresupply ng PCG na binangga ng CCG.
Anong kasunod ng putol na daliri?
Putol na hininga!
Pairalin ang MDT.
Pasok Amerika.
Giyera!