33.5 C
Manila
Biyernes, Abril 18, 2025

Liwanag ng pag-asa ng bayan

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng takot sa kadiliman, hindi inaakala ng isang kabataan na masisilayan niya ang liwanag sa tulong ng mga nasa pamahalaan.

Sa Usapang PIA nitong Setyembre 5, 2024, ibinahagi ni Neonick Kindipan kung paano ang pagsama sa YMF at iba pang mga organisasyon ay nakapagbago sa kanyang tingin sa buhay.

Si Neonick Kindipan, bata pa lamang ay namulat na ito sa animo’y madilim na lipunan. Ang kanyang mga nakikita at napapanood sa social media na masamang nangyayari, literal na nagbigay ng takot sa kanya sa dilim.

Kwento niya, kapag nakakakita siya ng nakasuot ng itim, nabubuhay ang takot sa kanyang dibdib. Ngunit ang kanyang pananaw, unti-unting nagbago nang mahikayat siyang sumapi sa Youth of the Diocese Baguio. Nanilbihan ito sa simbahan kung saan, sinimulan niyang buksan ang kanyang sarili para sa ibang tao. Dito rin umusbong ang kaniyang kuryosidad na naging dahilan ng kanyang pagkwestyon sa mga kabataang nagwewelga sa kahabaan ng Session Road. Nalaman din niya ang presensiya ng mga gangs at fraternities.

Upang mas mabigyang linaw ang kanyang kuryosidad, pumasok si Neonick bilang youth volunteer ng Sangguniang Kabataan. Dito niya nakita at mas naintindihan kung ano ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para mas mapabuti ang kalagayan ng bayan. Sa minsang pakikibahagi niya sa Youth Leadership Summit na isinagawa ng Philippine Army, dito niya nakilala ang Youth for Peace kung saan, namulat siya kung ano ang nangyayari sa bansa. Nahikayat din ito na sumapi sa Youth Mobile Force (YMF), ang organisasyon inisyatibo ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 15 na naglalayong gabayan ang mga kabataan upang hindi maging biktima ng Communist Terrorist Group at maging katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kapayapaan at pag-unlad.

“Sa Youth Mobile Force, dun po ako na parang na-enlighten na, ay, may ganitong mga organization pala at doon ako napaisip na oo nga, bakit parang medyo may mali na dito sa nangyayari?”

Simula nang mapabilang siya sa naturang organisasyon, mas nakita at naliwanagan pa siya na sa loob ng gobyerno, mayroong mga organisasyong nakatutulong sa pagsasaayos at pagpapanatili ng kapayapaan. Ibinahagi nito na nakakagalak maging parte ng mga organisasyon kung saan, ipidama sa kanila ang tamang pag-aaruga at pagsuporta ng isang pamilya. Siya ngayon ang presidente ng YMF Baguio-Benguet Chapter.

Ayon kay Neonick, dapat lang na maging positibo at bukas ang mga kabataan sa anumang oportunidad o mga pangyayari lalo na sa lipunan.

“Dapat open-minded ka sa mga nangyayari kasi hindi lahat ng bagay, masaya. Isipin muna natin ang sarili natin, ang kapakanan natin at ang pamilya natin.”

Kung noon isa si Neonick sa mga nangapa sa dilim na nabigyan ng liwanag, ngayon, isa na ito sa mga kabataang nagbibigay ng liwanag sa kanyang kapwa kabataan.

Katuwang ang RMFB 15 at iba pang stakeholders, nagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad ang YMF gaya ng lectures at summit para sa mga kabataan upang magabayan sila sa tamang landas, umiwas sila sa mga ilegal na aktibidad at hindi sila sumali sa komunistang grupo.

Layunin din ng YMF na magkaroon ng kolaborasyon sa mga paaralan, partikular na sa kolehiyo para sa pagtatatag ng school-based YMFs bukod pa sa mga bubuuing grupo ng YMF sa mga komunidad.

Si Neonick ay isa lamang sa mga kabataang piniling makipagsapalaran sa iba’t ibang larangan na naging daan upang mas maliwanagan ito sa mga kaganapang panlipunan. Isa siya sa mga naghahangad din ng pagbabago sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pagsuporta sa mga aktibidad ng pamahalaan lalo na sa mga kabataan.

Si Neonick ay tubo ng Ifugao at residente ng Baguio City. Nagtapos ito ng civil engineering sa Baguio Central University. Habang hinihintay ang kanilang board exam ay patuloy pa rin itong nakasuporta sa YMF. Siya ay isa lamang sa mga patunay na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan, ang liwanag para sa kinabukasan ng bayan. (DEG with Sonmer Lei Sandino,PIA- PHINMA UPang Intern)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -