NAKATAKDANG parangalan ng Panlalawigang Tanggapan ng Department of Trade Industry (DTI) ang palengke sa lalawigan na mapipiling may pinakamahusay na serbisyo sa mga mamimili, sa ilalim ng Pamilihang Bayan ng Bidang Mamimili (PBBM) Award 2024.
Ayon kay DTI Provincial Director Noel Flores, ang PBBM Award ay konsepto ng DTI Mimaropa na naglalayong higit pang mapaghusay ang kalidad ng serbisyo ng mga pamilihang bayan at mga tindahan dito.
Naniniwala ang opisyal na malaking tulong ang programa upang mahikayat ang mga pamahalaang lokal na mapagbuti ang mga pasilidad at serbisyo ng kanilang palengke.
Sa tatlong araw na on-site assessment na isinagawa kamakailan ng mga kasapi ng Provincial Evaluation Committee (PEC) ng PBBM Award 2024, tiningnan nila kung ang mga kalahok na pamilihang bayan ay may libreng parking space para sa mga manininda at mamimili, may malinis na palikuran at magkahiwalay ang espasyong laan sa mga lalaki at babae, at may libreng tubig, internet, at kuryente.
Sinuri din ng PEC kung ang palengke ay may aktibong Consumer Welfare Desk, kung saan maaaring idulog ng mga mamimili ang kanilang mga tanong at reklamo; gayundin kung may nakatalagang sealer na nangunguna sa pagsusuri at calibration ng mga timbangan.
Sinabi ni Maritess Cuevas, Senior Trade Industry Development Specialist ng DTI, na tiningnan din ng PEC ang umiiral na patakaran sa loob ng isang tindahan. Ayon kay Cuevas, malaking bagay kung sumusunod ito sa mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga mamimili tulad ng No Shortchanging Act o batas na nagbabawal sa hindi pagbibigay ng tamang sukli. “Ipinagbabawal na palitan ng kendi ang baryang isusukli ng tindahan sa kanyang kliyente,” sang-ayon kay Cuevas.