27.6 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

Konsulta providers sa Occidental Mindoro, tumanggap ng pinakamalaking bayad mula PhilHealth

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa buong rehiyon Mimaropa, pinakamalaking halaga ang binayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa programang Konsultang Sulit at Tama (Konsulta) sa Occidental Mindoro.

Ito at batay sa talaan na ibinahagi ng ahensya sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Calapan City kahapon, Setyembre 10.

Sa nasabing talaan, umabot na sa P24,066,098 ang inilabas na pondo ng PhilHealth sa Konsulta providers sa probinsya. Ang higit P4 milyon ay ibinayad noong 2023, samantalang halos P20 milyon naman ang ibinayad hanggang Setyembre ngayong taon.

Sinabi ni Concepcion Arteza, tagapamahala ng PhilHealth Occidental Mindoro, na naniniwala siya na ang pagiging pioneer site ng probinsya sa Konsulta program ang isang dahilan kung bakit malaki na ang nailaang pondo ng PhilHealth para rito.

”Taong 2021 nang magsimula ang Konsulta sa bayan ng Sablayan, at naging mainit ang pagtanggap sa programa,” ayon kay Arteza.

Dagdag pa ni Arteza, sa simula pa lamang ay suportado na ng pamahalaang lokal ng Sablayan at pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro ang KonSulTa program at higit pang pinalakas ang kampanya sa pagrerehistro sa programa nang sumunod na mga taon.

Ibinahagi ni Arteza na ang mga KonSulTa providers sa probinsya ay kinabibilangan ng lahat ng Rural Health Units sa lalawigan, pitong pagamutan na pinatatakbo ng pamahalaang panlalawigan, at dalawang pribadong ospital — St. Magdalene at Mindoro Occidental Premier Medical Group Multipurpose Cooperative, na parehong matatagpuan sa bayan ng San Jose. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -