26.6 C
Manila
Linggo, Oktubre 6, 2024

DoLE-Mimaropa pinaigting ang adbokasiya sa ‘Kasambahay Law’

- Advertisement -
- Advertisement -

MAS pinaigting ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Mimaropa ang pagsasagawa ng oryentasyon at adbokasiya tungkol sa batas para sa mga kasambahay.

Sinabi ni DoLE-Mimaropa Assistant Regional Director Nicanor Bon sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong Setyembre 17 na mula Enero hanggang Hunyo 30, 2024 ay nakapagsagawa na ang DOLE ng 11 batches ng Kasambahay advocacy, kung saan nasa 1,532 indibidwal ang dumalo rito.

Ayon pa kay Bon, ang pagsasagawa ng oryentasyon tungkol sa Kasambahay Law ay upang malaman ng mga mamamasukang kasambahay o kasalukuyang kasambahay ang kanilang mga karapatan. Sa mga employer naman ay upang malaman nila ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga kasambahay.

Binigyang diin din ni Bon na bawal ang pag-employ o pagha-hire ng kasambahay na mas mababa ang edad sa 18 taong gulang dahil labag ito sa Kasambahay Law maging sa Anti-Child Labor Program ng ahensiya.

“Dapat protected po ang ating mga Kasambahay, lalo na po doon sa Child Labor. Dapat po hindi tayo nagha-hire ng below 18 years old, hindi natin ginagawa na Kasambahay ‘yan,” ang paliwanag ni Bon.

Napakalaking hamon din ayon sa kanya ang usapin sa kasambahay dahil ito ay barangay-based at hindi ito regular na nababantayan o namo-monitor ng DOLE maliban na lamang kapag may nag-reklamo.

Sinabi rin ni Bon na nakapagtala na ang DoLE-Mimaropa ng isang reklamo kaugnay ng paglabag sa Kasambahay Law mula sa Occidental Mindoro na umabot pa ng Senado ang nasabing usapin. Binigyan naman ng tulong ng DoLE-Mimaropa ang nabiktimang kasambahay.

Nagpaalala naman si Bon sa lahat na nagnanais magkaroon ng Kasambahay na dapat ang mga ito ay ligtas sa kanilang trabaho.

Ang Republic Act No. 10361 o Kasambahay Law ay naging batas noong Hulyo 23, 2012. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -