SA layunin na higit pang isulong ang karapatan ng mga manggagawa, nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DoLE) Regional Office No. 2 ng orientation para sa kanilang tripartite partners sa rehiyon ukol sa Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties.
Tinipon ng Kagawaran ng Paggawa ang humigit-kumulang 80 kinatawan mula sa pribado at pampublikong unyon ng manggagawa, mga grupo ng employer, at mga ahensya ng pamahalaan sa Tuguegarao City, Cagayan noong Agosto 30 upang palalimin ang kanilang pang-unawa at tiyakin ang pagsunod sa Joint Memorandum Order No. 1.
Itinataguyod ng alituntunin ang mga pangunahing karapatan sa paggawa sa pamamagitan ng pagsasaayos sa mga tungkulin at responsibilidad ng stakeholder upang maipatupad ng maayos ang mga estratehiya sa pagtataguyod ng edukasyon sa paggawa at trabaho, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagdinig ng mga kaso, at pagprotekta sa pambansang soberanya at integridad.
Hiniling ni DoLE Cagayan Valley Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr., ang suporta at pangako ng mga regional stakeholder na itaguyod ang mga karapatan ng mga manggagawa sa ilalim ng pambansa at pandaigdigang batas.
“Sa isang high-level tripartite mission na isinagawa ng International Labor Organization (ILO) sa ating bansa noong nakaraang taon, mahigpit tayong hinihikayat na kilalanin at ipatupad ang mga pandaigdigang karapatan sa paggawa,” pahayag niya.
“Ipinangako rin natin na ating itataguyod ang karapatan ng ating mga manggagawa dahil ang ating bansa ay lumagda sa ILO Convention 87,” dagdag ni Assistant Regional Director Nepomuceno Leaño 2nd.
Tinalakay ni Mediator-Arbiter Atty. Mary Gladys Paguirigan ang mga mahahalagang bahagi ng alituntunin kung saan binigyang-diin niya ang magkasamang responsibilidad ng lahat ng grupo ng manggagawa, habang inilahad naman ni Commission on Human Rights Regional Director Jimmy Baliga ang mga pangunahing karapatang pantao na may kaugnayan sa Freedom of Association.
Nagpahayag ang mga nagsidalo ng kanilang suporta sa pagpapatupad ng Omnibus Guidelines upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa sa Cagayan Valley.
Umaasa si Cagayan Valley Association of Labor Unions President Michelle Daulayan na ang mga inilabas na alituntunin ay magpapatibay sa karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa pagtugon sa mga kaso sa pamamagitan ng tamang plataporma at pamamaraan. Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Jovy Miguel ng Civil Service Commission sa pagsisimula ng kolaborasyon sa pagitan ng DOLE at mga unyon ng pampublikong sektor.
“Bilang isang regional human rights officer, ipakakalat ko ang mga alituntunin ng FOA sa aming mga imbestigador na makakatulong sa kanila sa pagtugon sa mga kaso na may kaugnayan sa paggawa para sa isang mabilis at mas mahusay na paglutas ng mga ito,” wika ni Police Major Mary Jane Sibbaluca ng Philippine National Police.
Kasama sa mga dumalo ang mga opisyal at miyembro ng Cagayan Valley Association of Labor Unions; mga grupo ng employer, kabilang ang Philippine Chamber of Commerce Inc., at ang Filipino Chinese Chambers of Commerce Inc.; mga kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police; at mga kasapi ng DoLE Regional Coordinating Council.