INILUNSAD ang Manila Bay Nature-base Flood Mitigation Solution para sa palibot ng isla ng Pamarawan na sakop ng Lungsod ng Malolos.
Ayon kay Mayor Christian Natividad, layunin ng proyekto na mabawasan hanggang tuluyang mawala ang matagal nang problema ng paglubog sa tubig ng isla ng Pamarawan.
Sa susunod na 15 taon, makakaya ng proyekto na pigilin ang pagpasok ng tubig dagat sa isla at makakalikha pa ng sangtuwaryo para sa mga isda, hipon, alimango, at alimasag na dadagdag sa kabuhayan ng mga residente.
Base sa inisyal na detalye ng proyekto, mayroon itong tatlong bahagi: ang Green Embankment, Sediment Trapping Units, at ang Enhanced Breakwater Structures.
Sa Sediment Trapping Units, ibabalik ang balanseng ekolohikal kung saan muling magtatanim ng bakawan. At para matiyak na hindi ito aanurin o wawasakin ng malalakas na alon, magkakaroon ng mga Enhanced Breakwater structures sa harapan ng mga sediment trappings habang sa kabilang bahagi ng isla ay maglalagay ng Green Embankment o putik na magiging natural na dike.
Ang proyekto na nagkakahalaga ng P130 milyon ay sisimulan ngayong huling bahagi ng 2024. Ang P70 milyon nito ay magmumula sa 2024 City Budget samantalang ang kapupunang P60 milyon ay magmumula naman sa panukalang 2025 City Budget.
Samantala, ang paggawa sa detailed engineering design ng proyekto ay sinagot ng Royal Haskoning DHV, isang Netherlands Enterprise Agency; kaya naman ang paglulunsad ay dinaluhan ng Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines, Marielle Geraedts. (PIA Region 3-Bulacan)