KASALUKUYAN nang itinatayo sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque ang kauna-unahang proyektong pabahay ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa rehiyon ng Mimaropa.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ay inulat ni DHSUD-Mimaropa Regional Director Peter Daniel Fraginal na sa pagtatapos ng taong 2024 ay makukompleto ang isa sa limang gusali na ginagawa sa Brgy. Buyabod sa nasabing bayan.
“Nag-groundbreaking na po tayo sa Santa Cruz, Marinduque sa pamumuno ni Mayor Marisa Red-Martinez. Ito po ang kauna-unahan sa Mimaropa sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH,” pahayag ni Fraginal.
Paliwanag pa ng direktor, ang proyekto ay binubuo ng limang low-rise type building na may tig-aapat na palapag at inaasahang magkakaroon ng higit 760 na disente at ligtas na yunit kung saan ito ay nakatayo sa humigit tatlong ektaryang lupain na pag-aari ng lokal na pamahalaan.
Ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) ay isang flagship program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pangunguna ng DHSUD na may layuning matugunan ang nasa 6.5 milyon na backlog o kakulangan sa pabahay ng mga Pilipino. (RAMJR/PIA MIMAROPA – Marinduque)