29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Jinggoy: Pang-aabuso sa entertainment workers parurusahan sa ilalim ng Eddie Garcia law

- Advertisement -
- Advertisement -

BUKOD sa pagtiyak sa social welfare benefits at insurance para sa mga aksidenteng may kaugnayan sa trabaho, kabilang ang pagkamatay, binibigyang proteksyon din ng bagong batas na Republic Act No. 11996, o ang “Eddie Garcia Act,” ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso sa kanilang lugar ng trabaho, ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.

 

Inaatasan din ng batas ang mga kumpanya ng telebisyon at pelikula na magpatupad ng mekanismo na tutugon at magreresolba sa mga reklamong sexual harassment, dagdag pa ni Estrada.

“Hindi na uubra ang pagbabalewala sa mga reklamong ng pang-aabuso, physical violence man ito, harassment o mga gawain na nagpapababa sa dignidad ng manggagawa dahil nakasaad sa Section 14 ng batas na dapat may mga pinapairal na patakaran, tuntunin at regulasyon alinsunod sa mga probisyon ng RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995, maging ng RA 11313 o ang Safe Spaces Act, at RA 11036 o ang Mental Health Act,” pahayag ng lider ng Senado kasunod ng paglagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Eddie Garcia Act nitong Lunes, Setyembre 30, 2024.

Si Estrada ang nanguna sa pagpasa ng naturang batas sa Senado.

Sa ilalim ng batas na ito, ang mga employer ay dapat magbigay ng kopya ng kontrata sa mga manggagawa at independent contractors kung saan nakasaad ang kanilang posisyon, paglalarawan sa trabaho, haba ng trabaho, oras ng trabaho, detalye ng sahod at mekanismo para sa mga hinaing.

Ang mga manggagawa ay kailangan na ring bigyan ng mga benepisyong mandato ng gobyerno tulad ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ipinag-uutos din ng batas na dapat walong oras kada araw lamang ang trabaho, na maaaring palawigin hanggang sa maximum na 14 na oras. Hindi dapat lumampas sa 60 ang kabuuang oras kada linggo ng trabaho. Ang mga manggagawa ay makakakuha ng overtime pay kung lalampas sa walong oras ang kanilang trabaho sa isang araw, maliban na lamang kung ito ay nakasaad na sa kanilang kontrata na nagtatakda ng mas mataas na kompensasyon.

Ipinagbabawal din ng RA 11996 ang anumang uri ng diskriminasyon sa trabaho.

“Katuparan ito ng dekada nang minimithi ng mga minamahal ko na kasamahan sa mundo ng telebisyon at pelikula, ang mabigyan ng kaukulang proteksyon ang kanilang kapakanan at mga karapatan. Peculiar at unique nga kung ituring ang movie at TV industry dahil sa haba ng iginugugol na oras sa kanilang trabaho na kadalasan ay nalalagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan at kalusugan,” ani Estrada sa isinagawang ceremonial signing ng IRR ng nasabing batas.

“Ngunit hindi na ngayon. Dahil mayroon na tayong Eddie Garcia law, may mga isinabatas na tayong mga reporma na ipatutupad sa movie at TV industry, mga pamantayan at panuntunan na magsisiguro sa kondisyon ng mga taga-industriya,” dagdag pa niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -