SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng pagpataw ng value-added tax (VAT) sa mga digital services ay magpapantay ng kompetisyon sa gitna ng lumalaking demand sa mga digital services.
“Mahalaga ang patas na patakaran sa pagbubuwis para sa lahat ng digital service providers, maging sila ay non-resident o lokal,” sabi ni Gatchalian, kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act 112023, na nagtatakdang magpataw ng 12% VAT sa mga digital na serbisyo.
Nilinaw ni Gatchalian na ang bagong batas na ito ay hindi nangangahulugan ng bagong pagpapataw ng buwis. “Hindi tayo nagpapataw ng bagong buwis. Kokolektahin lang natin ang buwis na dapat talaga nating nakokolekta mula sa mga dayuhang digital service providers,” aniya.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ipinaliwanag ni Gatchalian na sa Section 108 ng Tax Code, ang pagbebenta ng mga serbisyong isinasagawa sa bansa ay dapat patawan ng VAT. Kaya’t lahat ng digital service providers ay dapat patawan ng VAT, dayuhan man o residente ng bansa.
Gayunpaman, dahil sa medyo may kalabuan ang batas, naging hindi malinaw ang pagbubuwis sa mga dayuhang digital service provider. “Dahil sa pagsasabatas ng panukalang ito, may mandato ang gobyerno para singilin ang mga dayuhang digital service provider na magbayad ng 12% VAT,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador na ang kabiguan noon sa pagpapataw at pangongolekta ng buwis mula sa mga non-resident digital service provider ay sumasalungat sa pangunahing prinsipyo ng pantay na pagbubuwis, na nagdudulot ng kawalan ng balanse sa kompetisyon sa pagitan ng mga domestic at foreign service provider at inilalagay sa alanganin ang mga lokal na negosyo.
Tinukoy ng senador ang mga streaming platform bilang halimbawa. Habang ang local platforms tulad ng iWantTFC at Vivamax ay pinapatawan ng VAT, ang mga subscription sa mga foreign counterparts gaya ng Netflix at HBO Go ay hindi. Nagdudulot ito ng hindi patas na kompetisyon sa pagitan ng lokal at dayuhang digital service provider.
“Ang sitwasyong ito ay humahadlang sa kakayahan ng pamahalaan na makakolekta ng sapat na buwis mula sa lumalagong digital economy,” aniya. Batay sa datos ng Department of Finance, ang pagpapatupad ng koleksyon ng VAT sa mga digital service provider ay may potensyal na makalikom ng karagdagang P83.8 bilyong mula 2024 hanggang 2028.
Si Senator Win Gatchalian ang sponsor ng Senate Bill No. 2528.