26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Maligayang ikatlong kaarawan sa akin

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

PAUMANHIN po sa di ko pagkakasulat ng pitak na ito noong nakalipas na Lunes. Sa sobrang taas ng blood pressure ko nang sinundang araw, kinailangan kong ipahinga muna ang aking utak. Kailan lang naging malinaw sa akin na hindi lamang labis na pisikal na pagpapagod ang maaaring magdulot ng mataas na presyon ng dugo kundi maging ang malalim na pag-aalala na gawain ng isip.

Nitong kagyat na kararaang panahon, naging abala ang aking ulo sa pagpipilit na hanapan ng lohika ang mga kaganapan sa kaso ni suspendido Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Bakit ang nangungunang reklamador na kumuwestiyon sa nasyonalidad ni Guo ay si Senador Sherwin Gatchalian ganung Chino din naman ang kanyang angkan? Bakit ganun din sina Senador Risa Hontiveros, Joel villanueva, Jinggoy Estrada, etsetera. Laging sumasagi sa aking isipan ang minsang winika ni namayapang senador Miriam Defensor Santiago na bobo kang senador kung hindi ka kumikita ng isang milyung piso isang araw. Sinong kàaway ni Mayor Alice Guo ang nagpupundo sa pagkakasademonyo sa kanya ng senado? At sino kina Gatchalian, Hontiveros, Villanueva, Estrada, etc. ang aamin na sila ay mga bobo?

Pinakamabigat na palaisipan ay kung bakit  kabilang sa unahan ng mga pagbabalita sa imbestigasyon ng Kongreso kay Mayor Guo ay ang pandaigdig na media network na Al Jazeera. Nakapagbunyag na ito na si Guo umano’y may kaugnayan sa nahuling miyembro ng Communist Party of China (CPC) na nakakulong sa Thailand.  Ayon pa rin sa report ng Al Jazeera, umabot na ito sa pagsaliksik sa Fujian, China at nakakuha ng mga patotooo mula sa mga residente roon na  umano’y dating punong himpilan ng CPC sa Fujian, China ang siyang kinalakihan ng batang nagngangalang Guo Hua Ping. Ayon sa paglalantad ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), ang Al Jazeera ay pinupunduhan mula sa $1.6 bilyon na badyet pampropaganda ng Amerika laban sa China. Ang badyet din na ito ang pinagmumulan ng pondo ng Project Myuoshu na siyang pangunahing nagpapainit ng hidwaan ng Pilipinas at China sa South China Sea.

Kung totoo ang mga paghahayag na ito, ang pagsasademonyong dinaranas ngayon ni Mayor Alice Guo ay isang malaking panlililok ng Amerika upang papag-alabin sa galit ang mga Pilipino sa China.

Kaya makikita ninyo kung gaano kabigat ang mga alalahaning dinaanan ng aking utak nitong mga nakaraang araw. Sobra- sobra na upang magdulot ng matinding hypertension. Papaano ko ibabahagi sa mga mambabasa na hindi pala ang naipagbawal nang POGO ang puno’t dulo ng pagkakapasademonyo kay Mayor Alice Guo kundi ang layunin ng Amerika na pagliyabin na nang husto ang away Pilipino-Chino. Kailangang-kailangan nang paggiyerahin ng US ang Pilipinas sa China upang patibayin na ang pagpihit ng kanyang hegemoniya sa Asya-Pasipiko.


Mula sa isang simpleng lokal na kontrobersiya, kukubabawin ang utak mo ng isang dambuhalang katatakutang internasyunal!

Papaanong hindi mawiwindang ang utak mo? Isang hamak na manunulat, anong karapatan mong pakialaman ang problema ng mundo?

Ayun, tuloy 200/90 ang bp mo.

Kaya, heto ako ngayon, kambyo menor muna. Intindihin naman ang sarili.

- Advertisement -

Maligayang ikatlong kaarawan sa akin!

Pero teka, anong ikatlo, e, 83 anyos na ako?

Sa malaman ninyo, dalawang taon na ang lumipas, 4% na lamang ang aking kidney. Mahaba na ang tatlong taon na itatagal ko.

“Iyan ay kung hindi ka magda-dialysis,” wika ni Dr. Johara Diampuan ng Health Cube Mandaluyong.

Ang butihing doctor ang nagpagaling sa akin mula sa iba’t-ibang sakit: hypertension, pneumonia, diabetes, Covid-19, maliban sa kidney failure na ang tanging gamot ay dialysis. Subalit dahil sa kakapusan ng kaalaman tungkol sa kaparaanan ng dialysis, kaayaw-ayaw ko rito.

“Lahat ng alam kong nag-dialysis ay namatay din,” katwiran ko kay DAA nang tanungin niya ako kung bakit ayaw ko ng dialysis.

- Advertisement -

“At least, madudugtungan pa ang buhay mo,” wika ni DAA, may paramdam ng panenermon at seryosong pag-alala.

Noon lamang na manas na manas na ang buo kong katawan nang mapilitan akong pumailalim na sa dialysis.

“No choice,” ika nga sa English.

Laking gulat ko nang masaksihan ko kung ano talaga ang dialysis. Hindi pala ang dating akala ko na ibubuhos ang lahat ng dugo mo sa katawan upang linisin samantalang ikaw ay walang ulirat. Sa halip, tuloy-tuloy ang daloy ng dugo mula sa iyong katawan, dadaan sa makina na maglilinis dito, at babalik sa iyong katawan na malinis na – upang patuloy na magdugtong-buhay.

Sa panahon na binigyan ako ni Dr. Diampuan ng tatlong taon na lamang upang mabuhay, tatlong taon na ang nagdaan. Sumakabilang buhay na dapat ako ngayon. Pero sa ikalawang taon mula noon, nang pangalawahan na ni DAA ang payo ni Dr. Diampuan, pumailalim ako sa dialysis sa wakas.

At heto ako ngayon, buhay at sumjsipa.

“Aba, si Tatay, humahabol sa noventa,” masayang bati ni Dr. Diampuan noong huling dalaw ko sa kanya.

Nang tumanggap ako ng APCU (Association for Philippines-China Understanding) Award noong Hunyo 2021, ipinahayag ko na kung tatahakin ko ang daan ng aking ama na namayapa sa edad na 85, meron na lamang natitirang mga tatlong taon upang gawin ang mga hindi ko pa nagagawa sa pagpapaunlad ng unawaang Chino-Pilipino. Subalit, gusto ko talagang wikain kay Ambassador Huang Xilian na nakikinig katabi ni noon ay papaupo pa lang na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung tatahakin ko ang daan ni Nanay na sumakabilang buhay sa edad na 97, oh boy, milagro ang maaari ko pang gawin upang pagbutihin sa pinakarurok na ang relasyong Chino-Pilipino.

Kung kukwentahin, nalampasan ko na ang ultimong milya na ibinigay sa akin ni Dr. Diampuan. Kung baga sa boksingero na di lang miminsang itinumba ng kalaban, napuno na muli ang aking mga baga ng second wind upang sa pagtatapos ng suntukan ay umiskor ng knockout.

Sa araw na ito ay eksaktong pagsisimula ng ikatlong taon ng aking tuloy-tuloy na tatlong-araw-kada-linggo na pagdadialysis. Pabayaan ninyong gantihan ko ng pasasalamat, bukod kina Dr. Diampuan at DAA, sa pagbibigay sa akin ng panibagong buhay, si Antipolo Mayor Casimiro “Junjun” Ynares 3rd at ang buong staff ng Dialysis Unit ng Antipolo City Hospital System, Annex IV. Salamat Dr. Danielle Yvonne Vinas, Nurses Kylie, Arly, Fraizen, Louie, Romeo, Technicians Cris at Eric, at sa lahat na nakapag-ambag ng kanilang walang sawang paglilingkod upang marating ko pa ang hantungan ng aking Nanay na edad 97.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -