HANDA na ang lahat sa gaganaping 2023 Search for Best Public Employment Service Office (PESO) sa pagsasagawa ng Department of Labor and Employment (DoLE) ng pinal na deliberasyon sa mga kalahok nito noong Setyembre 26, 2024, sa DoLE Central Office sa Intramuros, Manila.
Sumailalim sa deliberasyon ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga kalahok sa 2023 Search for Best Public Employment Service Offices noong Setyembre 26, 2024 sa DoLE Central Office. (Kuha ni Ali Creo/DOLE-IPS)
Isang taunang parangal, binibigyang-pagkilala ng National Search for Best PESO ang huwarang pagganap ng mga PESO at Job Placement Office sa mga tuntunin ng paghahanap ng trabaho, pagsusuri at pagbibigay ng impormasyon sa merkado ng paggawa, pagpapatupad ng career development support at iba pang programa ng DoLE, bukod sa iba pa.
Sumailalim sa masusing pagtatasa ng evaluation committee ang mga kalahok na sinundan ng serye ng deliberasyon kasama ang Bureau of Local Employment (BLE) Director, mga pinuno ng Employment and Human Resource Development Cluster ng DoLE, at mga external partners.
Nanguna sa mga deliberasyon sina Undersecretary Carmela Torres, Assistant Secretary Atty. Paul Vincent Añover, at BLE Director Patrick Patriwirawan Jr. Nagsilbi ring mga hukom sa huling deliberasyon sina Employers Confederation of the Philippines (ECOP) Governor Arturo Guerrero 3rd at Federation of Free Workers (FFW) President Atty. Sonny Matula, na kumakatawan sa sektor ng mga employer at manggagawa, ayon sa pagkakasunod.
Ang mga nanalong PESO ay inuri sa siyam na kategorya: 1st Class Province, 2nd Class Province, 3rd-5th Class Province, 1st Class Municipality, 2nd-3rd Class Municipality, 4th-6th Class Municipality, Highly-Urbanized City, Independent City at Component City, at Job Placement Office.
Pagkakalooban ng Hall of Fame Award ang PESO na nagwagi ng tatlong magkakasunod na taon sa parehong kategorya. Bibigyan naman ng espesyal na parangal ang mga DOLE regional office na may mga nanalong PESO. Tatanggap ang mga nagwagi ng tropeyo at cash prize.
Ipiprisinta ang listahan ng mga nagwagi kay Secretary Bienvenido E. Laguesma at igagawad ito sa 2024 National PESO Congress sa Oktubre 16-18, 2024, sa Zamboanga City.
Matapos ang mga deliberasyon, iprinisinta ng DoLE, sa pamamagitan ng BLE, ang mga hurado na binubuo nina: Information and Publication Service Officer-in-charge Rosalinda Pineda, at mga external partner na sina Atty. Sonny Matula, presidente ng FFW, at ECOP Governor Arturo Guerrero 3rd ang mga lumahok para sa logo ng PESO Managers Association of the Philippines (Pesomap), na naglalayong magtatag ng natatanging pagkakakilanlan para sa organisasyon. Iaanunsyo ang nagwaging logo ng Pesomap sa gaganaping PESO Congress.
Katuwang ng kagawaran ng paggawa sa paghahatid ng mabilis, napapanahon, at mahusay na serbisyong pantrabaho sa lokal na antas, ang mga PESO ay nakabase sa mga komunidad at pinapangasiwaan ng lokal na pamahalaan at ilang state university at college.