MASAYANG ibinalita ni Senate President Francis Escudero ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Sept. 26 sa Malakanyang ng Republic Act 12022 o ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act” na “lalo pang magpapalakas sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga smugglers at economic saboteurs.”
Dagdag pa ni Escudero, “Ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagpapatupad sa layunin ng pamahalaan na makapaghatid ng murang pagkain sa bawat tahanan. Pinoprotektahan rin nito ang ating mga magsasaka at mangingisda, pati na rin ang mga mamimili.
“Ang mga smugglers, hoarders, at profiteers ay matagal nang nagsilbing balakid sa ating mga pagsisikap na makamit ang seguridad sa pagkain. Sa batas na ito, umaasa kami na mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng mas malaking akses sa abot-kaya at masustansyang pagkain.
“Tayo po ay nagpapasalamat kay Pangulong Marcos sa pagsasabatas ng RA 12022. Pasasalamat rin sa ating mga kasamahan sa Kamara at sa Senado na nagtaguyod upang maisulong ang napakahalagang panukalang ito.
“Sa ilalim ng RA 12022, ang agricultural smuggling, hoarding, profiteering, cartel, at pagpopondo sa mga krimeng ito ay ikinokonsiderang mga gawaing economic sabotage. Ang krimen ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa na tatlong beses ng halaga ng mga produktong agrikultural at pangisdaan na sangkot sa krimen.”