NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian para sa mas mataas na antas ng pag-iingat sa gitna ng tumataas na bilang ng mga insidente ng sunog ngayong taon, na tumaas ng 40 porsyento kumpara noong nakaraang taon.
Partikular na binanggit ni Gatchalian ang ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), na nagtala ng 9,568 na insidente ng sunog mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Namahagi si Gatchalian ng 528 sako ng bigas na tig-50 kilo para sa mga biktima ng dalawang magkaibang insidente ng sunog sa Bacoor, Cavite. Noong Agosto 7, isang sunog ang tumupok sa humigit-kumulang 600 kabahayan sa Sitio Wawa, Barangay Zapote 3. Isa pang sunog ang sumiklab sa Sitio Kanluran, Barangay Zapote III, Bacoor, Cavite noong Setyembre 10 na tumupok sa mahigit 800 kabahayan na yari sa magagaan na materyales at nakaapekto sa hindi bababa sa isang libong pamilya.
“Ang pinsalang dulot ng sunog ay umaabot sa pagkawala ng ari-arian, kabuhayan, at kaligtasan, kaya’t mahalaga ang ibayong pag-iingat at kahandaan upang maiwasan ang trahedyang ito,” binigyang-diin ni Gatchalian.
Dagdag pa ng senador, dapat palakasin ang mga programa para maiwasan ang mga insidente ng sunog, lalo na sa mga lugar kung saan siksikan ang mga bahay. “Kapag nagsimula ang sunog sa mga lugar na ito, marami sa ating kababayan ang naaapektuhan dahil mabilis kumalat ang apoy,” dagdag pa niya.