MAY ‘go signal’ na si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa panukalang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bill, o ROTC bill.
Ito ang ibinahagi ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, isa sa pangunahing may akda ng panukala, sa isang panayam sa DZBB noong Linggo. Ibig sabihin nito ay muling sisimulan ang deliberasyon sa panukala sa plenaryo ng Senado matapos ang isang buwang break ng Kongreso.
“Dahil may go signal na ang Pangulo, ang ROTC bill ay ililipat na sa Tier 1 mula sa Tier 2 sa listahan ng Legislative Executive Development Advisory Council (Ledac). Ito’y pangunahing prayoridad na, kung kaya’t sa pagbubukas muli ng sesyon ay pwede na itong unahin,” ayon sa senador.
Naniniwala si Tolentino na ang kailangan na lang resolbahin ng mga senador ay ang probisyon kung dapat bang gawing isa o dalawang taon ang programa
“Ang unang taon ay pwedeng ilaan sa basic course, kasunod ang advanced training sa ikalawang taon. Para naman sa mga kadeteng gustong Ituloy ang pagsasanay, pwede tayong maglaan ng Executive ROTC curriculum,” paliwanag ni Tolentino, isang Brigadier General reservist.
Para gawing mas ‘holistic’ at nakaayon sa mga hamon ng kasalukuyang panahon, ang basic program ay maaaring pasukan ng mga paksa gaya ng climate change at pangangalaga sa kalikasan, paghahanda at pagresponde sa mga sakuna, at sibika. Samantala, ang executive course ay maaaring samahan ng mga kurso tulad ng cyber security, o naval warfare partikular sa mga kadete na nakapaloob sa Philippine Navy.
Balak din ni Tolentino na maghain ng probisyon na magbubuklod sa mga maliliit na kolehiyo para makapaglaan ng ROTC program bilang isang cluster. Ayon sa senador, maraming maliliit na kolehiyo ang nahihirapang magpatakbo ng ROTC na nag-iisa lamang dahil sa kakulangan ng rekurso.
Tiwala ang senador na may sapat na bilang sa kapulungan para aprubahan ang panukala. Pasado na sa huling pagbasa ang counterpart measure ng ROTC Bill sa Kamara.
Nang tanungin kung sa tingin ba nya’y makakatulong ang ROTC sa pagtugon ng bansa sa sigalot sa West Philippine Sea, ganito ang naging sagot ni Tolentino: “Ang usapin ng West Philippine Sea ay higit sa pagiging isang maritime issue lamang, kundi sinasalamin nito ang kaisipan ng ating lipunan. Kung malilinang natin ang patriyotismo sa ating mga kabataan ay may malaki itong maitutulong sa ating bansa.”
Bilang pagtatapos ay binigyang pansin ni Tolentino ang lumalawak na suporta para sa ROTC, na aniya’y batay na rin sa dumaraming bilang ng mga unibersidad na lumalahok sa ROTC Games. Tumataas din ang interes ng mga kababaihan sa programa. Ang mga salik na ito, ayon kay Tolentino, ay patunay sa nagbabagong opinyon ng publiko tungo sa mas malawak na pagtanggap sa naturang programa.