“Walang perpekto sa’tin. Kung mali ang direksyon mo, sabihin mo, ‘Lord, sorry, magbabago ako.'”
Ito ang mensahe ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes, Oktubre 7, 2024 sa mga kapwa Taguigeño nang ipahayag niya ang suporta sa tiket ng asawang si incumbent Taguig Mayor Lani Cayetano para sa halalan 2025.
Sa kanyang talumpati, sinabi niyang ang repentance o pagsisisi, kakabit ang “righteousness” at “reasoning,” ay mahalaga sa tuloy-tuloy na pagbabago at kaunlaran.
Aniya, ang tunay na pagsisisi ay hindi lamang pag-amin sa mga nagawang kasalanan kundi pagtalikod din sa nagawang mali.
“Ang ibig sabihin ng repentance, kung mali ang direksyon mo, hindi pupwedeng sorry pero ‘yun pa rin ang direksyon mo,” wika niya.
Inihalimbawa niya ang naging sagutan nila ni Senador Juan Miguel Zubiri sa isang sesyon noong nakaraang buwan na aniya ay pinagsisihan na niya.
“Hindi po masama na nagalit ako sa Senado pero mali po na nakapagmura ako,” wika niya.
“Tama po na dinebate ko ang isang senador dahil sa pagboto ng EMBO, pero n’ung may sinabi s’yang mga hinanakit niya, mali po ako na sinagot ko pa rin siya,” dagdag niya.
Naghain ng certificate of candidacy sina Mayor Cayetano at ang kanyang slate na TLC Team nitong Lunes bitbit ang pagnanais na ipagpatuloy ang vision na “transformative, lively, and caring city” para sa Taguig.
Sa kanyang pagpapahayag ng suporta sa grupo, ipinunto ni Cayetano na kailangan ang “reasoning” at “intelligence” sa pagpili ng tamang lider.
“Imagine-in nyo po ang 2050. Ano ang itsura ng Taguig? Itsura bang Hong Kong, Singapore, Japan, o itsura ng Taguig 25 years ago?” aniya.
“So ang aking appeal sa inyong lahat, magtulong-tulong tayo sa lideratong dadalhin tayo doon [sa unang imahe],” pagpapatuloy niya.
Si incumbent 1st District Representative Ading Cruz Jr. ang inendorsong kandidato ng TLC Team para sa pagka-kongresista ng Unang Distrito bagama’t tumatakbo rin para sa parehong posisyon ang kapatid ni Senador Cayetano na si Lino Cayetano.
Binigyang diin ni Cayetano na ang halalan sa lungsod ay hindi tungkol sa anumang away pulitika. Ang nais nila aniya ay itaguyod ang kinabukasan ng Taguig.
“Hindi po ito away pulitika, hindi po ito away pamilya, hindi po ito away ng interes ng iilan. Ito po ay future ng Taguig,” wika niya.
“Ako po, bilang isang kuya, hindi po ako titigil na iabot ang aking kamay, mahalin ang lahat kong kapatid, pati lahat kayong Taguigeño. Pero kailangan ko pong itayo y’ung tama,” dagdag niya.