ISINUSULONG ni Senador Joel Villanueva ang isang panukala na naglalayong palawigin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) para matulungan ang mga eskuwelahan sa kanilang pangangailangan at magbigay-daan para sa mas mabuting resulta ng pagkatuto.
Sa Senate Bill No. 2845, iminumungkahi na amyendahan ang Local Government Code para bigyan ng kapangyarihan ang local school boards na gamitin ang kanilang pondo para sa karapat-dapat na mga hakbangin sa edukasyon tulad ng training programs, pagbabayad ng allowance, pagbili ng mga kagamitan sa paaralan, at iba pa.
“The lack of resources and infrastructure to support the ideal teaching and learning processes remain the most pressing issues hounding our educational system. One of the ways to address this is by increasing education spending to ensure better education outcomes,” sabi ni Villanueva.
“We can never go wrong when investing in education and the future of our learners,” dagdag pa niya.
Itinatag ang SEF sa pamamagitan ng Republic Act No. 5447 bilang paraan ng local government units, sa pamamagitan ng local school boards, na makapag-ambag ng suportang pinansyal sa mga layunin ng edukasyon. Ito ay naiiba sa pondong inilalaan sa Department of Education kada taon.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Local Government Code, ang SEF ay nagmumula sa nalikom na isang porsiyentong (1%) buwis sa real property, na inilalaan sa “operation and maintenance” ng mga pampublikong paaralan, konstruksiyon at pagsasaayos ng mga gusaling pampaaralan, pasilidad at kagamitan, educational research, pagbili ng mga libro at periodicals at pagpapaunlad ng palakasan.
Sa ilalim ng panukala ni Villanueva, palalawigin ang paggamit ng SEF kung saan isasama ang mga sumusunod sa aaprubahan ng local school board:
– Operasyon ng public elementary at secondary schools, informal at non-formal education programs, early childhood education, special education, senior high school, open high school programs, Madrasah classes at remedial classes;
– Suweldo at awtorisadong allowance, training, benchmarking at ibang benepisyo para sa teaching at non-teaching personnel;
– Pagkuha ng school sites o lupa;
– Konstruksiyon, pagkumpuni at pagpapanatili ng mga gusaling pampaaralan at ibang pasilidad;
– Pagbili at pagpapanatili ng school fixtures at kagamitan, kasama ang IT equipment;
– Pagbili ng learning materials; at
– Programa para sa sports, youth formation at leadership development
Inaatasan din ang local school boards na magsumite ng taunang ulat para sa koleksiyon, alokasyon at paggamit ng SEF sa DoF, Kongreso, at ibang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
“It is of utmost importance that continuous innovation and reforms be introduced given the various disruptions that affect learners. The expansion of the use of the SEF will allow the government to invest more in the education of future generations,” sabi pa ni Villanueva.