INIHAYAG ni Senador Imee Marcos ang kanyang pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng irigasyon sa isang pagdinig ng Committee on Finance ng Senado, Oktubre 9 at tinawag na hindi katanggap-tanggap ang target na kumpletong irigasyon sa 2053. “Hindi tayo pwedeng maghintay ng 2053 o 30 taon para masiguro ang sapat na suplay ng bigas,” sinabi ni Marcos, kaugnay sa iminungkahing P42.57 bilyong badyet ng National Irrigation Administration (NIA) para sa taong 2025.
Binigyang diin ni Marcos na malawak pa ang mga irrigable na lupain na hindi pa nagagalaw, na nagdudulot ng panganib sa produksyon ng bigas lalo na sa harap ng pabagu-bagong klima. Bagama’t may pondo, mabagal ang paggasta ng NIA na nagiging sanhi ng pagkaantala sa mga proyekto sa irigasyon. Pinayuhan niyang gamitin ang pondo mula sa ibang bansa at climate change financing upang mapabilis ang mga proyektong makakatulong sa suplay ng bigas ng bansa.
Iminungkahi rin ni Marcos ang pagpabilis ng procurement at ang pagsuri sa mga karagdagang opsyon gaya ng Public-Private Partnerships (PPP) at Official Development Assistance (ODA) para mapabilis ang mga inisyatiba ng NIA, upang makamit ang mga layunin bago pa sumapit ang 2053.