35.4 C
Manila
Lunes, Abril 21, 2025

ALSuccess Stories: kinilala bilang 2023 Most Outstanding Transformational Teacher

- Advertisement -
- Advertisement -
PANGALAWANG pagkakataon upang baguhin ang kwento ng buhay, ganiyan ilarawan ni Myden Barrera ang kaniyang naging karanasan sa ilalim ng Alternative Learning System o ALS ng Kagawaran ng Edukasyon.
Bagama’t academic achiever noong elementarya, pansamantalang nahinto si Myden sa pag-aaral noong ikalawang taon niya sa high school dahil sa maagang pagbubuntis. Akala ni Myden dito na natatapos ang kaniyang pag-abot sa mga pangarap at magandang kinabukasan. Naramdaman niya ang pagkadismaya ng kanyang mga magulang at ang paghusga ng mga tao sa kanyang paligid.
Binisita siya ng kaniyang dating guro na ALS School Facilitator at hinikayat siyang bumalik sa paaralan. Tiwala ang kaniyang dating guro na sa ilalim ng ALS maari pa ring maipagpatuloy ni Myden ang naudlot na edukasyon. Ang tiwalang iyon ang nagbigay ng inspirasyon kay Myden na bumalik sa eskwela, kahit na hindi madali dahil mayroon na siyang responsibilidad sa dalawang anak.
Nakapasa si Myden sa Philippine Educational Placement Test (PEPT), pero muling huminto sa pag-aaral dahil sa matinding hirap ng buhay at responsibilidad bilang ina. Hindi sumuko ang kaniyang dating guro at patuloy na hinimok si Myden na kumuha ng ALS A&E Test kung saan siya ay nakapasa noong 2005 na may Percentile Rank na 99%.
Kalaunan, nakapagtapos rin si Myden ng Bachelor of Elementary Education sa Iloilo State College of Fisheries-San Enrique Campus (ISCOF-SEC) at nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) noong Setyembre 2010. Makalipas ang tatlong taon, naging ganap siyang miyembro ng DepEd noong Mayo 2013. Sa kasalukuyan, si Myden ay isang Teacher III sa Alimono Elementary School, ang kanyang dating paaralan.
Noong  nakaraang taon, kinilala si Myden bilang 2023 Most Outstanding Transformational Teacher ng Southeast Asian Institute of Educational Training Inc. Siya rin ay nagsulat at nag-illustrate ng mga libro bilang bahagi ng pagpapatupad ng K to 12 Curriculum sa ilalim ng Curriculum Implementation Division (CID), at ang mga ito ay nakarehistro sa National Library of the Philippines. Kabilang dito ang mga aklat na “Cellphone, Courage, Ang Pitaka, Si Bon at ang Selpon” at “Natuto si Anthonet.”
Ang kwento ni Myden ay isang patunay na hindi pa huli ang lahat para magsimula muli. Sa tulong ng ALS, maaaring higit na mas mapaganda ang kwento ng iyong buhay.
(Kuwento at mga larawan mula sa Facebook page ng DepEd Philippines)
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -