BILANG pakikiisa sa World Bread Day at World Food Day ngayong Oktubre 16, binigyang-diin ni Senador Imee Marcos ang lumalalang isyu ng kakulangan ng pagkain sa bansa at hinimok ang gobyerno na magsagawa ng tamang hakbang upang masolusyunan ang problema.
“Importation is not the answer to our food crisis, it’s the Filipino farmer. Bakit natin pinayayaman ang Vietnamese, Indian, Thai farmers habang kinakawawa ang magsasakang Pilipino?” ani Marcos kaugnay ng pagbaba ng taripa sa bigas, habang iginigiit na ang pag-aangkat at importasyon ang nagpapagutom at pumapatay sa mga magsasakang Pilipino.
“Bigyan ng transport subsidy ang mga magsasaka sa Visayas at Mindanao, pati na rin ang mga manggugulay sa Norte at Cordillera. Huwag ayuda lamang, kundi sahod, sweldong bahagya ngunit maaasahan, para sa maliliit na mambubukid at mangingisda,” dagdag pa niya.
Mungkahi pa ni Marcos na ipagamit ang mga lupang gobyernong nakatiwangwang sa kabataang magsasaka upang masolusyonan ang kagutuman, at ang mahal at kulang na pagkain.
Ibinahagi rin ng senadora ang kanyang mga proyekto na naglalayong mapalago at mapalakas ang agrikultura, tulad ng Young Farmers Challenge, Agrarian Reforms, Cooperative initiatives, pati ang pagdoble ng kita ng mga magsasaka.
Pinangunahan din ni Sen. Marcos kasama si dating senador Ping Lacson ang pamimigay ng libreng pandesal sa mga mamamayan ng Quezon City bilang bahagi ng selebrasyon ng World Pandesal Day.