PINANGUNAHAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa Mimaropa ang paglulunsad ngOmnibus Guidelines in the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties bilang pagtitiyak sa pangako at suporta ng mga tripartite partners sa rehiyon.
May 400 kinatawan ng mga manggagawa, mamumuhunan, at pamahalaan ang dumalo sa multi-sectoral dialogue at mga gawain sa pagpapaunlad ng kapasidad na inorganisa ng DOLE regional office para itaguyod ang parehong pang-unawa at bigyang kakayahan ang mga stakeholder sa pagpapatupad ng mga alituntunin.
Sinimulan ng DOLE Mimaropa ang kanilang mga aktibidad sa pamamagitan ng multi-sectoral dialogue na ginanap noong Hunyo 26 sa Calapan City, Oriental Mindoro. Sinundan ito ng serye ng mga gawain noong Agosto 8 sa Calapan City; Agosto 13 sa San Jose, Occidental Mindoro; at Agosto 28 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Dagdag pa rito, nagsagawa din ng mga aktibidad para sa pagpapaunlad ng kapasidad noong Setyembre 12-13 sa Calapan City na dinaluhan ng 127 kinatawan mula sa sektor ng manggagawa, mamumuhunan, at pamahalaan.
Binigyang-diin ni DOLE MIMAROPA Regional Director Naomi Lyn C. Abellana ang mahalagang papel ng mga tripartite partners sa pagtataguyod, paggalang, at pagprotekta sa kalayaan ng asosasyon.
Ayon sa opisyal ng DOLE, ang serye ng dayalogo at pagpapaunlad ng kapasidad ay naglalayong tiyakin na ang mga regional stakeholder ay may komprehensibong pang-unawa at maayos na maipatutupad ang Omnibus Guidelines.
Naniniwala rin si Regional Director Abellana na ang inisyatiba ay higit pang magpapatibay sa pagtutulungan ng mga tripartite partners sa pagbuo at pagpapatupad ng mga panrehiyong estratehiya para sa epektibong pagsunod sa Joint Memorandum Order No. 1. DOLE MIMAROPA/aldm/gmea