INILUNSAD na bilang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Currency Exchange Center (CEC) ang Land Bank of the Philippines (LandBank)-Bambang Branch noong ika-26 ng Setyembre 2024 sa Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.
Pinangunahan nina LandBank-Bambang Branch Acting Branch Head Josephine Lorenzo at Branch Operations Officer Ma. Virginia Valenzuela ang pagpirma sa Pledge of Commitment bilang CEC sa ilalim ng BSP Piso Caravan. Dumalo rin sa paglulunsad si BSP Tuguegarao Branch Area Director Eva Lynne Marcos.
Isinusulong ng programa ang BSP Clean Note and Coin Policy at BSP Coin Recirculation Program para mapanatili ang integridad ng mga perang nasa sirkulasyon. Tatayong currency exchange access point ang mga CEC para mas mapadali para sa publiko na ipapalit ang kanilang mga marurumi (unfit) at sira-sirang* (mutilated) pera ng bagong salapi o e-money.
Nagdaos din ang BSP Tuguegarao Branch ng financial literacy session para magbigay ng mga dagdag na kaalamang pampinansyal sa mga dumalo.
Bukas ang currency exchange counter ng LandBank-Bambang mula Lunes hanggang Biyernes, 9 a.m. hanggang 3 p.m.
Para sa BSP-supervised financial institutions at ibang mga organisasyon na nais makibahagi sa Piso Caravan Program, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na BSP regional office o branch sa inyong lugar.
Listahan ng BSP regional offices at branches: https://bit.ly/robbsp
*Susuriin ang pera base sa 3S (size, signature at security thread) na pamantayan ng BSP.