PINURI ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang aktibong paglahok ng sektor ng mga manggagawa sa sistemang pampulitika ng bansa.
“Malaki ang tulong sa pagbuo ng mga polisiya ang aktibong partisipasyon ng sektor ng mga manggagawa sa ating sistema ng gobyerno. Kabilang dito ang iba’t ibang workers’ organizations at pro-labor party-list groups,” ayon sa senador.
Ani Tolentino, mahigit isang dosenang party-list organizations na nabigyan ng accreditation ng Commission on Elections (Comelec) para lumahok sa eleksyon sa susunod na taon ay nagsusulong sa mga isyu ng mga manggagawa.
“Noon, ang mga usapin sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa ay kadalasang nalilimita sa loob ng mga pagawaan. Pero ngayon, ang mga isyung ito’y direkta nang naisasalin sa mga batas na ipinapasa ng Kongreso,” ipinunto ni Tolentino kay Kalihim Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa kanyang regular na programa sa radyo.
Ayon naman kay Laguesma, umaabot sa 51 milyon – o ang kasalukuyang labor force ng bansa – ang makikinabang sa lumalakas na tinig ng sektor paggawa sa Kongreso.
Dagdag pa ni Laguesma, ang direktang partisipasyon ng mga manggagawa sa pamamahala ay indikasyon din na buhay at masigla ang demokrasya sa bansa.
Sumang-ayon naman dito si Tolentino, gayundin sa mga inisyatiba ng administrasyon para lumikha ng mga trabaho, at suportahan ang micro, small at medium enterprises, na syang bumubuo sa 95% ng mga negosyo sa bansa.
Suportado rin ni Sen. Tolentino ang pagbabahagi ng pantawid-tulong sa mga obrerong nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng Tupad, o ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.