NAKIISA ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DoLE), kasama ang iba pang policymaker sa Southeast Asia sa isang dayalogo para talakayin ang pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran na tutugon sa epekto ng digital transformation sa paggawa at trabaho.
Hangarin ng dayalogo, na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Setyembre 25-26, 2024, na palakasin ang kapasidad ng mga regional policymakers sa pagbuo ng mga patakaran na tutugon sa mga hamon na dala ng mabilis na pagbabago sa digital economy.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binanggit ni DoLE Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio, Jr., Tagapangulo ng 2022-2024 ASEAN Senior Labor Officials Meeting, ang mga oportunidad at hamon na dala ng digitalization sa mundo ng paggawa, ang pangangailangan para sa isang aktibong polisiya sa paggawa, mga aksyon sa polisiyang pangrehiyon, edukasyon at pagsasanay, reporma sa pamamahala sa merkado ng paggawa, at pagtiyak sa mga pangunahing karapatan sa trabaho.
“Dapat yakapin ang teknolohiya at digitalization para maging madali at mas produktibo ang ating trabaho, ngunit ang paggalang sa mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa paggawa na naglalayon na gawing makatao ang trabaho ay mananatiling sukatan kung natupad natin ang ating layunin na makapagbigay ng disenteng trabaho at maitaas ang antas ng ating kabuhayan,” pahayag niya.
“Naniniwala ako na dapat nating ipagpatuloy ang ating pinakamahusay na tugon sa pagtiyak ng patas at makatarungang digital transition upang makamit natin ang isang aktibong patakaran sa paggawa,” wika niya. Kanya ring binanggit na ang paglikha ng disenteng trabaho, pagsulong ng mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa trabaho, at ang pagkakaloob ng patas at inklusibong panlipunang proteksyon para sa lahat ay mahalagang bahagi para sa pagpapatibay ng nasabing polisiya.
Sa gitna ng patuloy na digital transition ng mga bansang Asean sa pamamagitan ng kani-kanilang policy action, binanggit ng opisyal na nakatuon ang policy action ng Pilipinas sa tatlong pangunahing bahagi: pamumuhunan; edukasyon, technical at vocational training, at professional regulation; at pagbabago sa mga institusyon ng pamahalaan.
Sa pamumuhunan, sinabi niya na ang Pilipinas ay “patuloy na nagbubukas sa mga mamumuhunan sa pagpapaunlad ng imprastraktura” at iba pang mga industriya na may malaking potensyal na lumikha ng mga trabahong may kalidad, maayos na sahod, kabilang ang mga oportunidad na naaayon sa plataporma para sa trabaho.
Sa edukasyon at pagsasanay, kanyang binanggit ang patuloy na modernisasyon ng kurikulum ng edukasyon at pagsasanay at ang mas matibay na pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan, mga institusyong pang-edukasyon, at industriya upang mas mahusay na matugunan ang mga kasanayan na kinakailangan, pahusayin ang mga kwalipikasyon at pamantayan, at suportahan ang pandaigdigang pagpapalitan ng kaalaman.
Sinabi niya na ang mga pagsisikap na ito ay naglalayong mapabilis ang pag-unlad ng yamang-pantao, tumugma sa mga kinakailangan ng industriya, at palakasin ang paggalaw ng manggagawa sa lokal at sa buong mundo.
Bilang karagdagan, sinabi niya na ang pagbabago ng mga institusyon ng pamahalaan “ay isang pamamaraan kung saan ang pagkakaroon ng isang patas at makatarungang transisyon tungo sa mas malalim na digitalization sa merkado ng paggawa sa pamamagitan ng mga makabagong aksyon sa patakaran ay lubhang kinakailangan.”
Dito niya binanggit ang pagtatatag ng e-governance framework at secure functioning e-governance mechanisms, at labor market governance and regulation na sumasaklaw sa recruitment at placement agencies, remote work, at gig economy.
Naka-angkla sa mga ibinahaging layunin sa pag-unlad, binigyang-diin sa peer-to-peer learning session ang mga kasalukuyang estratehiya ng mga pamahalaan at mga policymaker sa paggamit ng teknolohiya upang matugunan ang epekto sa mga pagbabago ng teknolohiya sa trabaho.
Ang kaganapan ay dinaluhan ng mga mid at senior-level policymakers mula sa Ministry of Labor ng mga bansa sa Southeast Asia at Ministry of Human Resources and Social Security ng China, mga kinatawan ng mga manggagawa at employer, mga eksperto mula sa International Labor Organization, at iba pang mga kinatawan mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Kasama ni Undersecretary Bitonio sa Bangkok sina Technical Education and Skills Development Authority Planning Office Assistant Executive Director Katherine Amor Zarsadias, at DoLE Planning Service Director Adeline De Castro. Virtual na lumahok si DoLE Bureau of Local Employment Director Patrick Patriwirawan, Jr., para sa session tungkol sa “Global Accelerators on Jobs and Social Protection for Just Transition.”