NAGSAGAWA ang DENR National Capital Region, sa pangunguna ni OIC Assistant Regional Director for Technical Services Engr. Henry Pacis, ng isang writeshop tungkol sa paggamit ng Singapore City Biodiversity Index (CBI) sa pagtataya ng antas ng saribuhay sa lungsod noong ika-10 at 11 ng Oktubre, 2024, sa Quezon City.
Ang dalawang araw na writeshop ay pinangasiwaan ng Protected Areas Management and Biodiversity Conservation Section (PAMBCS) ng Conservation Development Division (CDD) at dinaluhan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Maynila, partikular na ang mga kinatawan ng Planning & Development Office, Department of Public Services, Parks Development Office, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Department of Public Services, Dept. of Engineering & Public Works.
Layon ng writeshop na ipakilala ang CBI sa mga dumalo at ipaliwanag kung papaano ito magagamit sa pag-assess ng urban biodiversity ng Manila. Ipinakita rin ng PAMBCS ang resulta ng ginawang Urban Biodiversity Profiling and Assessment ng tanggapan sa 21 pasyalan at urban green spaces ng lungsod. Ito ang inisyal na batayan sa pagtatala ng CBI scores para sa lungsod ng Maynila.
Binubuo ng 28 indicators ang CBI at ito ay nahahati sa tatlong tema: (1) Native Biodiversity in the City, (2) Ecosystem Services Provided by Biodiversity at, (3) Governance and Management of Biodiversity. Pinagtulungang sagutin ng mga dumalo ang lahat ng indicators upang mabuo ang biodiversity profile ng lungsod.
Ang resulta ng CBI ay gagamitin naman sa paghahanda ng Urban Biodiversity Management Plan ng Manila alinsunod sa Target No. 6 ng Philippine Biodiversity Strategy and Action Plan (PBSAP) na layong itaas ang bahagi ng urban green spaces sa limang pangunahing lungsod sa bansa, kabilang na ang Manila.