PATULOY ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagpapataas ng kapasidad ng mga tagapagsanay na tutulong sa pagpapahusay sa kasanayan ng Labor and Employment Education Services (LEES) regional implementers upang palakasin ang labor education program ng DoLE sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay sa parehong technical at soft skills sa mga regional trainer, makatitiyak na epektibong maipatutupad ang iba’t ibang bahagi ng programang LEES.
Dinaluhan ng mahigit 30 kalahok, ang face-to-face session ay ang ikalawang yugto ng dalawang bahagi ng pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Civil Service Institute (CSI) na ginanap mula Oktubre 8-11, 2024. Ang unang bahagi ng pagsasanay ay nakatuon sa pag-unawa sa mga pangunahing batas, mga patakaran, at mga programa sa paggawa.
Magiging bahagi ng apat na araw na sesyon ng pagsasanay ang mga talakayan sa mga disenyo ng pagtuturo, ang siklo ng pagkatuto, pangangasiwa at papel ng mga facilitator, ang pagbuo ng isang Detailed Training Activity Plan, ang mga haharaping hamon sa pangangasiwa, facilitating practicum, at mga pagsusuri.
Sinabi ni DoLE Assistant Secretary Lennard Constantine Serrano na ang ikalawang bahagi ay “nakatuon tungo sa pagbuo ng mga soft skills tulad ng epektibong komunikasyon, disenyo ng programa, presentation technique, at mga kasanayan sa pagtuturo.”
“Ang soft skills na matututunan ay mahalaga hindi lamang sa paghahatid ng impormasyon at magagamit din sa pakikipag-ugnayan, pagbibigay-inspirasyon, at pagbibigay-kapangyarihan sa inyong mga tagapakinig. Ang malinaw na komunikasyon at mga pamamaraan sa pagtuturo ay titiyak na ang edukasyon sa paggawa ay magbibigay ng karagdagang-kaalaman at magdudulot ng pagbabago sa lugar-paggawa,” pahayag ng opisyal ng DoLE.
Tutulungan din ng session ang mga kalahok na “bumuo ng mga customized learning session na akma sa partikular na pangangailangan ng ating mga kliyente,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Assistant Secretary Serrano ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga regional implementers sa labor education kasabay ng panawagan na gamitin ang kanilang natutunan mula sa seminar sa kani-kanilang rehiyon.
“Kailangan nating maunawaan na ang manggagawa [at] mga employer na ating makakasalamuha ay lubos na aasa sa atin upang tulungan silang maintindihan ang kanilang mga karapatan, obligasyon, at tungkulin sa loob ng mas malawak na balangkas ng batas at patakaran sa paggawa. Dapat nating ipagpatuloy ang pagtataguyod ng marangal at produktibong lugar-paggawa, hindi lamang sa pagsunod sa batas kundi pati na rin sa mas malalim na paggalang sa mga karapatan sa paggawa,” pagbibigay-diin ni Assistant Secretary Serrano.