MATAGUMPAY na nakuha ng Enforcement Unit ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – North ang isang Burmese python (Python bivittatus) mula sa isang residential area sa Navotas City. Naganap ang retrieval operation noong ika-15 ng Oktubre, kasunod ng ulat mula sa isang lokal na residente tungkol sa presensya nitong hindi ahas sa kanilang lugar.
Ang Burmese python, isang species na kilala sa malaki nitong sukat at kakayahang umangkop, na natagpuan sa Brgy. NBBS Kaunlaran, ay nagdulot ng takot kaba sa mga residente para sa kanilang kaligtasan matapos ang isang insidente na naganap sa kanilang lugar na kaugnay ang nasabing ahas. Nang matanggap ang ulat, mabilis na pinakilos ng MEO-North ang isang pangkat ng mga dalubhasa sa wildlife upang masuri ang sitwasyon at matiyak ang ligtas na paghuli at paglipat ng ahas.
Ang nakuhang sawa ay sinuri’t dinala sa Wildlife Rescue Center sa Biodiversity Management Bureau, Quezon City na nakatutugon sa mga ekolohikal na pangangailangan nito. Hinihikayat ng DENR-NCR ang publiko na iulat ang anumang wildlife sighting sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng kapwa residente at mga hayop na sangkot.
Maraming tao ang nag-aalaga ng Burmese python bilang exotic pets dahil sa kanilang kalmadong ugali sa karamihan ng pagkakataon. Subalit, palaging ipinapaalala ng mga eksperto na ang mga ganitong uri ng hayop ay hindi dapat pakitunguhan na parang domesticated pets sapagkat ang kanilang likas na gawi bilang wild species ay nananatili. Maaaring hindi nila makita ang mga tao bilang biktima, pero kapag naramdaman nilang nanganganib sila, maaari silang umatake bilang self-defense.
Binibigyang-diin ng kaganapang ito ang kahalagahan ng edukasyong pangkalikasan at ang pangangailangan para sa pakikipagtulungan sa pagitan ng mga lokal na komunidad at mga ahensya ng pamahalaan sa pamamahala ng wildlife sa mga lunsod. Pinaalalahanan ang mga residente na manatiling mapagmatyag at mag-ingat kapag nakahaharap ang nasabing wildlife.