26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

27 mga bansa, kalahok sa Dragonboat World Championship sa Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

UMABOT na sa 27  mga bansa ang kompirmadong lalahok sa 2024 International Canoe Federation (ICF) Dragonboat World Championship matapos magkompirma ang Macau, ayon kay Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation (PCKDF) president, Coach Leonora Escollante.

“May nadagdag po ‘yong Macau, nag-entry na po sila, so nasa 27 countries na po tayo, kung mabibilang n’yo kung ilang flag ang nakatayo, ‘yan po ang participants natin. Sa ngayon po ay pumapatak na tayo sa 1,500 plus kasi nadagdag itong 382 na mga local paddlers at kulang-kulang 2,000 na po tayo,” ang paliwanag ni  Escolante.

Ang 27 mga bansa ay ang Czech Republic, Germany, Hungary, Thailand, France, Sweden, Philippines, Myanmar, India, Hong Kong, Indonesia, USA, Canada, Chinese Taipei, Malaysia, Singapore, Iran, Bulgaria, Russia, Spain, Cambodia, Ukraine, Poland, South Korea, Uzbekistan, China at Macau.

Bilang paghahanda, mas pinaganda ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang City Baywalk na pagdadausan ng nasabing pandaigdigang paligsahan na magaganap simula sa Oktubre 28 hanggang sa Nobyember 4, 2024.

Nilagyan din ng mga bleacher ang ilang bahagi ng baywalk upang mas maganda ang panonood ng mga bisita na nais sumaksi sa nasabing event.

Paliwanag pa ni Escollante na kaunting pag-sasaayos na lamang ng ginagawa sa baywalk tulad ng pagdagdagdag ng starting points at inaasahang sa Oktubre 30 ay 100 porsiyentong ng kompleto ito kung saan sa Oktubre 31 naman ang pormal na pagsisimula ng kompetisyon.

Matutunghayan naman simula sa Oktubre 28 hanggang Oktubre 30 ang pag-eensayo ng mga kalahok na magmumula sa iba’t ibang bansa upang magkaroon sila ng pamilyarisasyon sa Puerto Princesa City Baywalk.

Ipinaliwanag din ni Escollante na mayroon itong 54 events na nahahati sa tatlong kategorya– ang 2,000 meters (long distance), 500 meters (middle distance), at ang 200 meters (sprints). May kategorya rin ang mga kalahok, ito naman ay ang junior, senior at masters. Nasa mahigit 200 naman mula sa national pool ang mga pambato ng Pilipinas.

“Ito na po ang pagkakataon nyo na matunghayan ang best of the best paddlers in the world na dito po lalahok sa Puerto Princesa. ‘Wag n’yo pong kaliligtaan panoorin itong kasi hindi na po ito mauulit, this is a very historical event and memorable na mangyayari sa buong Pilipinas,” ang pag-anyaya naman ni Escollante na panoorin ang nasabing event.

Maliban sa World Dragonboat Championship ay maroon pang inaantabayanang malalaking sports events na magaganap sa lungsod bago matapos ang 2024.

“Ang isa ding padating dito sa atin ay ang BIMP-EAGA Friendship Games sa Disyembre, pero ‘yong pinakamalaki, itong Batang Pinoy, ang number ng nagparehistro is 11,500 athletes, atleta palang ‘yon, wala pa ‘yong 1,000 plus na technical officials,” ang pahayag naman ni City Sports Director Gregorio Austria.

Sinabi naman ni Mayor Lucilo Bayron na hindi na lamang ecotourism ang pagtutuunan ngayon ng city government kundi pinasok na rin nito ang sports tourism.

“Dati isang tourism lang ang pinagtutuuan natin dito, naka-focus lang tayo sa ecotourism, pero hindi tayo mabubuhay ng ‘yon lang talaga, ‘yong ecotourism, kaya ngayon hindi na tayo naka-focus sa ecotourism lang, pumasok tayo sa sports tourism,” ang pahayag ni Bayron.

Bagama’t kilala na ang Puerto Princesa dahil sa Underground River na isa sa new seven wonders of nature ay hangad ng pamahalaang panlungsod na makilala naman ang Puerto Princesa bilang Sports Tourism Capital ng Pilipinas. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -