30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

Mga terminal ng bus, binulaga ni Tulfo

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGSAGAWA ng random surprise inspection si Senator Raffy Tulfo bilang Senate Chairperson ng Committee on Public Services sa mga bus terminals sa Metro Manila kahapon, Oct. 28 kasama ang mga opisyal ng LTO, LTFRB at PDEA bunsod ng nalalapit na pagdagsa ng mga byaherong uuwi sa kani kanilang probinsiya sa darating na Todos Los Santos o Araw ng mga Patay.

Ito rin ay dalawang linggo matapos siyang magtungo sa mga pier para inspeksyunin ang mga bangka at barko.

Katulad sa mga ports na binisita ni Sen Idol, dito ay nakitaan din ni Sen. Tulfo ng sandamakmak na violations ang mga bus sa mga terminals na ito na nakatakdang bumiyahe papuntang probinsya. Kabilang sa nahagip ng kanyang random inspeksyon ay ang mga terminal ng Buendia Bus Liner, DLTB Bus Co., JAM, JAC, LLI Bus Liner Terminal, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Five Star Bus Terminal, at Baliwag Bus Liner Terminal.

Napansin niya na halos lahat ng mga bus dito ay isa lang ang nakalaan na fire extinguisher sa pinakaharap para sa driver at kundoktor lamang at wala na para sa mga pasahero sa gitna at likuran. Ang masaklap, halos lahat pa ng mga fire extinguisher ay kundiman expired ay depektibo.

Napuna rin ni Sen. Idol na ang ilan sa mga bus ay walang emergency exits sa bintana at kung mayroon man ay wala itong mga kalakip na emergency glass break hammers.

Matatandaan na marami nang mga naiulat na disgrasya noon kung saan tanging bus driver at kundoktor lang ang nakakaligtas sa aksidente habang ang mga pasahero ay na-trap sa loob ng bus na nasusunog at naiipit, at nahihirapan ang mga rescuers na mailigtas sila.

***

Sinita rin ni Idol ang mga bus na pudpod ang gulong. May isang bus pa siyang naaktuhan na planong bumiyahe habang may pako pa ang isang pudpod na gulong nito. Mismong ang driver pa nito ang umamin na isa sa mga dahilan ng aksidente ng mga bus ay pudpod na gulong at kung hindi man sobra ay kulang sa hangin ang tire pressure.

Nang tanungin naman ni Sen. Raffy ang mga driver kung anong gamit nilang basehan para sukatin kung tama ang tire pressure ng kanilang bus, napag-alaman niya na ilan sa kanila ay pinupukpok daw ng martilyo o tubo, o di kaya naman ay sinisipa na lang ang gulong para tantiyahin kung sapat ba ang tigas o lambot nito.

***

Maliban dito, napansin din ni Idol na karamihan sa mga bus ay walang CCTV cameras para sa kapakanan ng mga pasahero, first aid kits, at insurance policies na sasagot sa medical expenses ng mga pasahero sakali man magkaroon ng aksidente.

Gayundin, walang preventive maintenance book ang mga ito — na nakasaad kung ang isang bus ay regularly and properly maintained. “Mahalaga ito lalo pa at marami nang napapabalitang aksidente sa mga bus na ang dahilan ng driver ay nawalan daw ng preno o kontrol ang kanyang minamanehong bus,” saad niya.

Binigyang-diin ni Sen. Idol na “kapag nangyari pang muli ang anumang aksidente dahil nawalan ng preno ang isang bus, agad na makakasuhan ang driver at operator dahil ibig sabihin na naging pabaya sila sa proper maintenance at maaaring maging dahilan para makansela ang kanilang prangkisa.”

***

Kabilang din sa inirekomenda ni Sen. Idol na irequire sa mga bus operators ang pagkakaroon ng hand-held metal detector na gagamitin ng security guards sa mga pasahero bago sila sumampa para masiguro na walang baril o patalim na maipapasok sa loob ng bus.

Labis din na napikon si Sen. Idol nang mapansin niya sa isang bus na ang nakalaang silya para sa PWDs at Senior Citizens ay Monoblock na nakatali ng plastic straw sa isang bakal. “Kaya agad kong ipinabaklas ito dahil ito ay tiyak na pagmumulan ng disgrasya,” saad niya.

“Hindi rin pasado ang mga kubeta sa lahat ng bus stations na pinuntahan ko. Kung wala man itong toilet paper, wala itong tubig o sabon na pwedeng gamitin panghugas ng pasaherong gumagamit ng palikuran,” ani Tulfo.

May isang kubeta pa nga sa isang bus terminal na may harang at kailangan maghulog muna ng limang piso ang pasahero bago makagamit ng CR. Dito nanggalaiti si Sen. Idol at agad ipinasibak ang harang at paybox dahil kasama na dapat sa bayad sa pasahe ng mga pasahero ang libreng paggamit ng CR sa lahat ng bus terminals.

***

Sa pagsasagawa naman ng PDEA ng random drug testing sa ilang bus drivers, isa sa kanila ang nagpositibo. Agad namang siyang pinigilan bumiyahe at ipinasa sa mga kinauukulan para patuloy na imbestigahan.

Iminungkahi ni Sen. Idol sa LTO at LTFRB na bigyan lamang ng isang linggo ang lahat ng mga bus at bus terminals na ituwid ang nasabing mga violations para sa strict compliance, at kapag hindi, dapat ipatigil ang kanilang operasyon at kanselahin ang mga prangkisa. Agad namang sumang-ayon ang mga nasabing ahesnya.

Kasama rin sa mungkahi ni Sen. Idol sa LTO ang pagmonitor sa lahat ng mga bus drivers na maraming moving violations at kinailangan nang ipa-seminar, at kung malala na, suspendihin ang kanilang lisensya dahil sila ay lapitin ng disgrasya.

Ginawa ni Sen. Tulfo ang inspeksyon bunsod ng sunod sunod na report na kaniyang natatanggap sa mga kapalpakan sa mga bus terminal. Natataon din umano ito lalo’t libo libong mga byahero nating mga kababayan ang inaasahang magsisiuwian sa kani kanilang probinsiya upang doon gunitain at magbigay galang sa kanilang mga yumaong minamahal sa buhay ngayong To dos Los Santos

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -