TULOY-TULOY ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa pagsasagawa ng relief operations para sa mga pamilyang apektado ng bagyong Kristine.
Personal na nag-ikot si Governor Hermilando Mandanas para mamahagi ng relief goods at hygiene kits sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Kristine tulad ng Talisay, Laurel, Cuenca, San Nicolas, at Agoncillo.
Nagdagdag din ng mobile kitchens at mobile markets ang pamahalaang panlalawigan sa mga evacuation centers para matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga evacuees.
Nagpadala rin ito ng medical teams at mobile clinics para maghatid ng libreng medical check-up at gamot sa mga evacuees.
Bukod dito, nagkaroon din ng psychosocial processing para sa mga evacuees na nakaranas ng matinding pagbaha at landslide.
Samantala, naghatid rin si Mandanas ng tulong pinansiyal sa mga kaanak ng mga nasawi dahil sa landslide, partikular sa Talisay, Batangas.
Nakipagpulong din ang gobernador sa pamunuan o lokal na pamahalaan ng mga bayang lubhang naapektuhan ng bagyo para sa mga kaukulang hakbang.
Ayon kay Mandanas, hindi na rin pababalikin ang mga residente sa mga lugar kung saan nagkaroon ng pagguho ng lupa.
“Hindi na, delikado na, una talagang may karanasan na tayo, bakit pa natin uulitin, pero sa totoo lang meron pa rin ibang nagpupumilit pero pag-aaralan natin ‘yan,” pahayag ni Mandanas sa press briefing na isinagawa nitong Okt. 27.
“Yung mga namatay, ipalilibing agad. At ‘yung mga naiwan talagang bibigyan ng psychological at financial assistance, bibigyan ng matitirhan at ganoon din ng pagkain,” dagdag nito.
Sa ulat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, aabot na sa ₱118,576,333 ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura na nakaapekto sa mahigit 1,000-ektaryang lupain at 1,553 magsasaka.
Pumalo naman sa 27,853 pamilya o katumbas na 97,176 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Batangas.
Aabot na sa 54 ang bilang ng mga nasawi habang 18 ang naiulat na nawawala. Pinakamataas na bilang ng casualty ang naitala sa Talisay, Batangas kung saan naganap ang landslide.
Tiniyak ni Mandanas na patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente. Nanawagan din siya sa mga Batangueño na patuloy na maging matatag at huwag mawalan ng pag-asa. (PIA BATANGAS)