26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Ibigay n’yo na ang Chrismas bonus!

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

Uncle, may gagawin ba kayo bukas?

Bakit, Juan?

Kasi iimbitahan ko sana kayo na kumain sa labas. Dumating na yung 13th month pay namin.

O wow! Naku puno na naman ang mga restaurant at mga mall! Alam mo naman ang Pinoy nangunguna yan pag may ekstrang pera yan.

Kaya pala ang lakas ng patugtog nitong kapitbahay natin nung kanta ng Aegis. Nadaig pa si Jose Mari Chan. Humihiyaw sila ng “Kaya’t ibigay n’yo na. Ang aming Christmas bonus. Pati na ang 13th month pay. Para lahat okey na okey!”


Ano ba talaga ang pinagmulan ng 13th month pay? At ano naman ang kaibahan nyan sa Christmas bonus na tinatawag?

Ang 13th month pay ay mandato ng PD 851 na nagsasabing required ang mga institusyon at kumpanya, sa publiko at pribadong sektor, na magbigay ng 13th month sa kanilang mga empleyado na nagtrabaho na ng isang buwan at pataas sa kanilang tanggapan.

Dahil malapit ito sa kapaskuhan, parang Christmas bonus na rin ang turing. Pero sa ibang mga kumpanya o opisina na medyo maganda ang kinita ng buong taon o sadyang mapagbigay o generous ang management, nasa kanilang desisyon na kung gusto nilang magbigay ng karagdagan sa 13th month pay bilang ekstrang pampasaya sa selebrasyon ng kapanganakan ni Hesus.

Kaya pagdating ng mga bonus na ito, parang hilong talilong ang mga tao sa kung saan pupunta, saan gagastusin o saan mag-eenjoy. Kaya trapik ang masasalubong mo sa mga mall o kahit na sa mga airport.

- Advertisement -

Lalo na pag dumating na ang mga OFW natin. Sigurado akong kulang pa yung dala nilang pera sa mga ekspektasyon ng kanilang kamag-anak at kaibigan na ang tingin sa kanila ay may kabang malalim at hindi mauubusan ng pera.

Tama lang namang magdiwang tuwing kapaskuhan. Basta huwag lang maging tunganga at baon sa utang pagkatapos ng pagsasaya.

Sabi nga ng isang pag-aaral, dahil sa kakulangan ng financial literacy ng mga Pilipino, marami sa atin ay hindi marunong humawak ng pera. Kaya ang mga “holiday splurges” ng mga Pinoy ay hindi maiaalis at kadalasan talaga ay baon ang marami sa utang pagdating ng Enero ng susunod na taon.

Pag sa tingin natin,  tayo ay may sobrang pera, nagkakaroon tayo ng parang “money illusion effect”. Sa economics, ang ibig sabihin nito ay ang tendency ng tao na gumastos kasi akala n’ya marami syang pera na sa totoo lang ay maliit lang ang halaga dahil kinakain ito ng mataas na presyo o inflation o mataas na interest rate ng pagkakautang. Mahirap maging ilusyonado!

Paano natin maiiwasan ang magkaroon ng pakiramdam na parang gipit tayo pagkatapos ng lahat ng selebrasyon ngayong Pasko at bagong taon?

Una, pagdating ng mga bonus, magtabi ng at least 30 porsiyento ng mga nakuha at ilagay ito sa time deposit sa bangko. Idagdag mo ito sa Emergency Fund n’yo para pag merong nangyari na di inaasahan, meron kayong bubunutin na hindi kailangang mangutang.

- Advertisement -

Pangalawa, huwag naman nating abusuhin ang credit card. Sa mga panahong ganito, dinadagdagan ng mga bangko ang credit limit at maraming mga promo na nagreenganyo na kayo ay gumastos. Maglista ng priorities, lalo na pagdating sa pag-grocery kasi pag hindi ka naglista, matutukso kang bilhin kahit hindi mo talaga kailangan. Mas ugaliing gumamit ng cash para makontrol mo ang pambayad mo.

Pangatlo, hindi kailangang magyabang sa pagbibigay ng regalo kung lagpas ito sa budget. Mag-budget ng mga bibilhing regalo. Ang mahalaga ay ang pagbibigay alaala sa ating mahal sa buhay at hindi katapat nito ang mahal na mga regalo. Kung ano lang ang kaya niyo, sapat na yun at maiintindihan ito ng mga mahalagang tao sa ating puso. Puede ring maging creative sa mga regalo at mas maganda pa nga yung mga personalized o customized  gifts .

Pang-apat, kung kaya mong magvolunteer sa mga social projects, maganda rin itong gawin bilang pakikiisa sa mga gustong tumulong para sa ikaaangat ng buhay ng Pilipino. Yung minimithing purpose driven life na sinasabi ay matutulungan ng pagsali sa mga volunteer programs. Yung gift of time ay mabuting halimbawa na puede mo ring ibigay sa kapamilya, katulad ng pagbantay sa may-sakit, pag-aasikaso sa mga pamangkin, pagtulong sa pagluluto at iba pa.

Panglima, kung may budget ka pa, baka puwede mong pag-isipang mag-invest sa mga investment-linked life insurance kung saan nakakaipon ka at nagkakaroon ka ng proteksyon sa iyong buhay. Lalo na kung bata ka pa, mas magandang magsimula ng mas maaga kasi mura pa ang premium at nabubuo mo ang displinang mag-ipon at mag-invest.

At panghuli, para sa mga OFWs, maawa po kayo sa inyong mga sarili. Mahirap ang inyong mga trabaho at ang kumita ng pera abroad. Dapat matuto kayong “humindi” sa mga naguudyok sa inyong gumastos. Huwag pumatol sa mga parinig o biro. Kung ano ang budget n’yo, sundin n’yo  ito. Huwag magyabang na para bang nahuhulog lang ang pera sa puno. Maging praktikal at isiping lilipas din ang Pasko at ang mahalaga ay ang buhay ng pamilya pagkatapos ng lahat ng pamimiyesta!

O, Juan, ready na ko. Tara na.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -